MALIBAN na lamang kung makatutuklas ng ‘win-win solution’ ang Duterte administration na makatutugon sa masalimuot na P2,000 pension hike ng Social Security System (SSS) retirees, mananatiling nakalugmok sa kabiguan ang mga pensiyonado, lalo na ang katulad naming tumatanggap lamang ng katiting na biyaya sa naturang ahensiya ng gobyerno.
Hindi ganoon kadaling humupa ang pagkaunsiyami sa isang pangako na maaaring magpalawig sa buhay ng mga kapwa namin na nasa dapit-hapon na ng buhay; malaking bagay ang naturang dagdag na benepisyo sa pantustos sa gamot at iba pang mahigpit na pangangailangan.
Kung sabagay, ang mga pangako – tulad ng binibitawan ng ilang pulitiko – ay malimit sabihing produkto lamang ng mapagbirong imahinasyon. Sabi nga ng mga Kano: Promises are made to be broken.
Hanggang sa mga oras na ito, hindi ako naniniwala na sisirain ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako sa SSS pensioners. Bukal sa kanyang puso ang pagdamay sa maralitang sektor ng sambayanan; matindi ang kanyang utos sa pagkakaloob ng gamot sa mga may sakit, bukod pa sa pagkakaloob ng libreng pag-aaral sa ating mga kabataan. At lalong hindi niya matitiis na biguin ang nakatatandang mga mamamayan na tiyak namang naging bahagi ng mahigit na 17 milyong boto na kanyang natanggap noong nakaraang halalan. Ngunit hindi sila nais paasahin upang mabigo lamang.
Dapat din naman nating unawain ang mistulang panlalamig ng pangako ng Pangulo. Tinitimbang niya ang paninindigan ng kanyang mga economic managers sa Gabinete at ng mismong pamunuan ng SSS hinggil sa magiging epekto ng dagdag na biyaya. Maaaring maging dahilan ito ng pag-ikli ng buhay ng nasabing ahensiya na hindi makabubuti sa susunod na henerasyon ng mga pensiyonado.
Totoong masalimuot ang landas na tinahak ng nasabing pension hike. Maraming taon din ang ginugol ng mga mambabatas sa pagtalakay ng nasabing panukalang-batas na binalangkas ng halos lahat ng nakaraang administrasyon.
Noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, natauhan ang mga mambabatas sa kahalagahan ng pension hike sa mismong mga pensiyonado at sa kanilang mga mahal sa buhay. Katunayan, kaagad isinabatas ng mga Kongresista at ng mga Senador, hindi na nila kinailangan ang bicameral committee meeting, nagkasundo sila na ipadala ito sa Malacañang para lagdaan ng dating Pangulo.
Sa kasamaang-palad, ang naturang batas – P2,000 pension hike—ay ibinasura sa pamamagitan ng makapangyarihang veto power ni Aquino. Kinawawa ang mga pensiyonado.
Ganito rin kaya ang maging kapalaran ng mga kapwa naming umaasa sa habag at malasakit –kung mayroon man— ng mga lingkod ng bayan? (Celo Lagmay)