MAY buhay na larawan sina dating Sen. Doy Laurel, Eva Estrada Kalaw, Gerry Roxas atbp. na magkabilang itinayo sa kinandadong pintuan tungo sa Session Hall ng Senado sa dating gusali ng Kongreso sa P. Burgos Drive, Manila.

Nakawangis sa lumang kuha na “black and white”, ang nagsisilbing tanda, at babala na rin, sa mga susunod na henerasyon, kasama ang mga Mambabatas, tungkol sa paglabag ng kapangyarihan sa martial law noong dekada ‘70. Hindi ito ang diwa ng 1935 Constitution, ang kasangkapanin ng isang nakaupong pangulo, ang probisyon ng commander-in-chief, upang ipasara ang isang sangay ng Pamahalaan.

Batid natin sa ating uri ng gobyerno, ang kapangyarihan ng pamahalaan ay sadyang hinati sa tatlong sangay: Ehekutibo, Kongreso at Hudikatura (Korte Suprema), upang maiwasan ang kadalasang kahinaan ng tao na magkamal ng pansariling kapangyarihan tungo sa diktadura.

Sinarhan ang Senado dahil siguradong ulam sa pondahan, at kung sakali, kalabanin pa nito, ang martial law. At tama lang, dahil tayo ay demokratikong bansa. Ang martial law sa tumpak na pagpapalakad, ay maaaring ideklara tuwing may nagbabadyang peligro, pananakop, o giyera, upang ipagtanggol ang estado.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Subalit ang mga sangay ng pamahalaan ay hindi maaaring gapiin ng kahit alin sa tatlo dahil may kanya-kanya itong gampanin ayon sa Saligang Batas.

Kalakip nito, ang mandato na magtanod ang isa’t isa sa patas na pakikitungo. Oo, may ilang mambabatas na may kasalanan at pinagdadampot noong Proclamation 1081, subalit hindi ito kailanman basehan upang ipasara ang kabuuang institusyon ng Kongreso.

Sa nasabing kaganapan, at sa signos na maaaring ipasara ang Korte Suprema, o ‘di kaya’y magdeklara ng Revolutionary Government ang panguluhan, hindi na kumontra ang Kataas-taasang Hukuman. Kahalintulad din ito sa Edsa Dos. Dito muling hinarap ng Korte Suprema ang palagay na mawasiwas sila ng Presidente tulad ng pagpapatalsik sa sikat na pangulo ng masa.

At ’yan muli ang hamon na kapag pinalagan ng Korte Suprema ang pagtatalaga sa bagong pangulo, baka mapilitan itong magdeklara ng “kamay na bakal” sa ilalim ng revolutionary government. Sa dalawang kasaysayan, ang pinakamataas na Hukuman ng bansa, “nagbinabae” upang isalba ang kanilang upuan, at mapanatili ang kakarampot na dangal ng Hudikatura.

(Erik Espina)