Tuluyan nang hinatulan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang isang drug pusher na naaresto sa Valenzuela City, mahigit apat na taon na ang nakalilipas.
Sa 13 pahinang desisyon ni Hon. Judge Maria Nena Santos ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 171, bukod sa habambuhay na pagkakakulong, pinagbabayad din si Jun Padullano ng P500,000, makaraang hatulang guilty beyond reasonable doubt sa kasong paglabag sa Section 5, Article 11, R.A. 9165 na isinampa laban sa kanya ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Valenzuela Police.
Sa panayam kay PO3 Roberto Santillan, nagsagawa sila ng buy-bust operation sa Barangay Malandanday, Valenzuela City nang makatanggap ng impormasyon na lantarang nagbebenta si Padullano ng pinatuyong dahon ng marijuana sa kanyang mga kasamahang pedicab driver.
Isang pulis ang tumayong poseur buyer at bumili ng 6.35 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na ibinalot sa diyaryo.
Matapos ang transaksiyon, pinosasan na ng grupo ni PO3 Santillan si Padullano. (Orly L. Barcala)