BRISBANE, Australia (AP) — Tinuldukan ni two-time Grand Slam champion Svetlana Kuznetsova ang paglikha ni ‘millenium tennis star’ Destanee Aiava ng kasaysayan – pansamantala -- sa magaan na straight set win sa second round ng Brisbane International nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Isang araw matapos tanghaling kauna-unahang player na ipinanganak sa taong 2000 na nagwagi ng main draw match sa pamosong WTA event, napigilan ang 16-anyos na si Aiava na makausad sa torneo nang beteranong karibal.

“It’s pretty scary (but) I learned a lot out of that match,” pahayag ng Australian teener na mula sa pamilyang Samoan.

“Confidence, maybe, in my game and myself, knowing that I do belong here,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kaagad na nagimpake si Aiava pabalik sa kanyang hometown Melbourne para maghanda sa pagsabak niya sa kauna-unahang Grand Slam event – Australian Open, kung saan nabigyan siya ng wild card entry.

Makakaharap ni Kuznetsova si French Open champion at fourth-seeded Garbine Muguruza sa quarterfinals.

Bumalikwas naman mula sa kabiguan sa first set si No.2 seed Dominika Cibulkova para gapiin si Zhang Shuai, 2-6, 6-4, 6-4.

Umusad naman si world No.1 Angelique Kerber matapos magwagi kay wild-card entry Ash Barty, ang 2011 Wimbledon junior champion, 6-3, 2-6, 6-3, at maisaayos ang quarterfinal match kontra sixth-seeded Elina Svitolina — tanging player na tumalo sa dalawang No.1 player (Kerber at Serena Williams) sa nakalipas na taon.

“I’m so, so happy to be back in Australia — that was my breakthrough last year,” sambit ni Kerber.

Sa men’s side, umusad sina second-seeded Stan Wawrinka at No. 3 Kei Nishikori.

Ginapi ni Wawrinka, U.S. Open champion, si Viktor Troicki 7-6 (5), 6-4, at makakaharap sa quarterfinal si Kyle Edmund, habang pinabagsak ni Nishikori si American qualifier Jared Donaldson,4-6, 6-4, 6-3.