MASAYA ang presscon ng Meant To Be, ang unang pasabog sa Bagong Taon sa primetime block ng GMA-7 na mapapanood na simula sa Lunes, pagkatapos ng Alyas Robin Hood.

Bida sa Meant To Be ang silent big star na si Barbie Forteza, kasama ang apat na bagong leading men niyang sina Ken Chan, Jak Roberto, Ivan Dorschner at Addy Raj, mula sa direksyon ni LA Madridejos.

Unang tawanan, nang tanungin kung bakit si Barbie ang piniling gumanap bilang Billie, ang typical millennial na maraming issue sa buhay, samantalang marami naman daw ibang mahuhusay na artista sa Siyete.

“Si Barbie po ang original choice ng management, ng production,” sagot ni Direk LA. “She’s bubbly, para nga siyang nag-drugs sa eksena, kahit ano’ng ipagawa mo sa kanya gagawin niya. Napanood ko siya sa mga una niyang shows sa GMA hanggang hinangaan ko siya sa performance niya sa The Half-Sisters na ang daming challenges siyang pinagdaanan, then sa huli niya, ang romantic-comedy na That’s My Amboy.

Bea, ayaw na sa new year's resolution; 2024, 'hardest year' ng kaniyang buhay

“Her dedication sa trabaho, ngayong dinidirek ko na siya, hindi ko maisip na ibigay pa sa iba ang kanyang role. Bagay sa kanya ang role, for the youngs ang concept, she will not stop on anything basta matupad lamang niya ang pangako niya sa kanyang pamilya, kaya kayang-kaya niya itong gampanan.”

Tinanong din si Barbie kung bakit kailangang siya at ang kanyang teleserye ang dapat unang ipalabas ng GMA 7 sa primetime block.

“Una po muna, hindi po ako nagda-drugs, malinis po ako. Aminado po akong may pressure nang malaman kong tatlo kaming teleserye na sisimulan ng GMA sa first quarter of the year,” nakangiting sagot ni Barbie. “Kaya natuwa ako na kami ang mauuna dahil ang hirap pantayan ang AlDub (Destined To Be Yours nina Alden Richards at Maine Mendoza) at si Ms. Jen (Jennylyn Mercado sa My Love From The Star). Basta, promise po namin na hindi kami mapapahiya sa inyo.”

Kitang-kita sa presscon na comfortable sa bawat isa ang lead stars ng Meant To Be. Ang isa pang tanong kay Barbie, paano niya i-describe – in one word-- ang bawat isa sa leading men niya. Si Jak, mysterious. Si Ken, mahusay. Clingy naman si Addy, na ibinuko rin niyang nagpapadala ng mensahe sa kanya ng 3:00 AM dahil wala raw ibang friends). Sweet naman si Ivan.

May harutan din ang lima during the presscon at nakakatawa na kinikilig-kilig sa kanila ang Triplets na sina Manilyn Reynes, Tina Paner at Sheryl Cruz. Naaalala raw kasi nila noong panahon din nila na may kani-kanila silang ka-love team.

Kasama pa rin sa cast si Ms. Gloria Romero na ibang-iba ang role na gagampanan at masaya siyang muling makatrabaho ang Triplets at si Barbie na nakasama niya sa The Half Sisters. Nasa cast din sina Kempee de Leon, Sef Cadayona, Stephanie Sol, ang child star na si Zymic Jaranilla at si Mika dela Cruz na kalilipat lang galing sa ABS-CBN.

(NORA CALDERON)