KABUUANG apat na gintong medalya ang agad na mababawas sa target ng Philippine boxing team sa paglahok sa Southeast Asian Games matapos tanggalin ang buong women’s event at alisin ang ilang event sa men’s division kung saan malaki ang tsansa ng Pilipinas.

Ito ang dismayadong ipinahayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson bunsod ng desisyon ng Malaysia Southeast Asian Games Organizing Committee (MASGOC) na alisin ang event, kabilang ang dibisyon nina Charly Suarez at Eumir Felix Marcial.

“Inalis nila ang lightweight kung saan malakas sa gold si Charly Suarez o kahit na kay Junel Cantancio na nanalo sa Singapore. Wala rin ang welterweight, na kategorya naman ni 2015 champion Eumir Felix Marcial,” sambit ni Picson.

Si Suarez at Cantancio ay sumasabak sa 60kg habang si Marcial ay kabilang sa 69kg division. Ang dalawang events ay nagsilbing gold mine ng Team Philippines sa 2015 Singapore SEAG. Kabuuang anim na event na lamang ang paglalabanan sa nalalapit na 29th SEA Games na gaganapin sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Aminado si Picson na lubhang maaapektuhan ang ABAP pati na rin ang dating women’s world champion na si Josie Gabuco, na asam ang kanyang ikalimang sunod na gintong medalya sa SEAG sa women’s 48kg pati na rin ang iba pa nitong miyembro na sina Nesthy Petecio, Irish Magno at Aira Villegas.

“Nakakadismaya dahil alam naman natin that we have a very good chance (in women’s boxing),” sabi pa nito. “Apat sana ang pwedeng makapagdagdag sa atin. Gabuco has won four straight gold medals at siya ang kinakatakutan diyan. Andiyan din sina Nesthy, Irish at Aira na lahat ay excited to fight sana,” sabi pa ni Picson.

Tanging paglalabanan na lamang sa boxing ang men’s 49kg, 52kg, 56kg, 64kg, 75kg at 81kgs event.

Matatandaan sa 2015 SEAG ay nagwagi ang mga boxers ng limang ginto, tatlong pilak at isang tanso upang tanghalin na overall champion. (Angie Oredo)