Dalawang linggo matapos hagupitin ng bagyong ‘Nina’ ay balik na sa normal ang mga komersiyo sa Virac, Catanduanes, at ang operasyon ng paliparan nito, iniulat kahapon.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), naging kritikal ang sitwasyon ng Virac airport kaya inuna ng National Power Corporation at First Catanduanes Electric Cooperative na maibalik ang supply ng kuryente sa paliparan.

Minadali ng National Power Corporation ang operasyon ng Marinawa diesel plant upang maibalik ang kuryente sa Virac airport na siyang ginagawang central area para sa mga dumarating na relief goods.

Sinabi ni Energy Usec. Felix William Fuentebella, aabot sa 90 porsiyento ng mga linya at poste ng kuryente sa Catanduanes ang hindi pa naibabalik.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tiniyak ni Fuentebella na 24 oras ang trabaho ng Napocor at First Catanduanes Electric Cooperative upang maitayo ang nagtumbahang mga poste ng kuryente.

Iniulat din kahapon ng NGCP na umaandar na mula ang transmission facilities sa Naga City at Daraga City sa Camarines Sur.

Ayon kay Fuentebella, nagbigay na kahapon ng supply ng kuryente ang Naga-Daraga 230 kv line at ang Naga-Pili-Iriga line para mabahagihan naman ng kuryente ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Albay, at Sorsogon.

Sinabi naman ng National Electric Administration na may kuryente na ang Sta. Cruz substation para sa Iriga City at Tigaon substation na siyang nagpapailaw na rin ngayon sa mga customer ng Camarines Sur III Electric Cooperative at Camarines Sur IV Electric Cooperative Inc. (Jun Fabon)