paolo-ballesteros_die-beautiful-copy-copy

SA wakas, napanood na namin ang Die Beautiful nitong nakaraang Lunes ng gabi sa SM The Block Cinema 4, 8:10 screening at sa tuktok na kami napaupo dahil pumumpuno ang sinehan.

Hindi na namin irerebyu ang pelikulang humahakot ng Best Actor trophies para kay Paolo Ballesteros dahil halos buong Metro Manila ay napanood na ito. Sa katunayan, may narinig pa nga kaming apat na beses na nila itong napanood.

Ang pupunahin lang namin ay ang ipinamigay na E-Plus card ng SM na isa sa mga nag-sponsor sa MMFF countdown sa SM Skydome, dahil hindi naman nakatutulong sa mga nabigyan.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Una, kailangan mong pumila ng mahaba para iparehistro ang E-Plus card at dahil mabagal ang Internet ay inabot kami ng 30 minutes para lang makapag-register bukod pa sa pag-iisyu ng ticket. Minalas pa dahil ang pinaupong staff ng SM sa mga E-Plus cardholder ay hindi yata na-brief nang maayos dahil wala rin siyang alam at sinabihan kaming, ‘walang load ‘to, walang laman.’ Sinagot namin ng, ‘mayroon, mga MMFF movies.’ At nagtanong sa kasama kung paano, ending nakita niya sa computer ang mga titulo ng pelikula.

Kaya kung ikaw ay E-Plus cardholder, kailangan mong maglaan ng mahabang panahon para sa transaksiyon nito kung gusto mong makahabol sa oras ng screening na gusto mo.

Binanggit na namin sa miyembro ng MMFF na hindi nakatutulong ang E-Plus card dahil time consuming at babanggitin daw niya ito sa meeting nila.

Ikalawa, ang bayad ng sinehan sa SM The Block, P275, ‘tapos free seating na parang noong 70s at 80s pa rin. Napag-iiwanan na yata sila ng panahon, kaya hindi sila katulad ng ibang mga sinehan sa Metro Manila na may seating arrangements. At higit sa lahat, napakarumi sa loob ng sinehan, nagkalat ang mga pinag-inuman at pinagkainan ng mga naunang nanood na nadatnan pa namin sa upuan namin. Wala bang tagalinis sa mga sinehan ng SM The Block?

Ang layu-layo ng SM Cinemas sa Trinoma, Eastwood City, Robinson’s Magnolia at Gateway na pawang mababango ang loob ng sinehan at malilinis pa. Lumamang lang ang mga sinehan ng SM The Block pagdating sa mga banyo nila dahil kahit luma na, malinis-linis naman kung ikukumpara sa sinehan sa Gateway na pag-aari ng mga Araneta.

Anyway, ang sunod na pinanood namin ay ang Vince & Kath & James sa 11 PM screening at dahil pangbagets o pang-estudyante ang pelikula nina Joshua Garcia, Julia Barretto at Ronnie Alonte ay mabibilang na lang sa daliri sa kamay at paa kung ilan kami sa loob ng SM Cinema 5.

Balik-eskuwela na kasi kinaumagahan (kahapon) kaya malamang na tulog na ang mga bagets sa mga oras iyon. Baka mas maaga nila itong pinanood kaya naniniwala kaming kumikita pa rin ang Vince & Kath & James.

Sorry, wala kaming nakitang tao sa Oro at Kabisera kaya malamang na nag-last day na ito kahapon sa SM Cinemas.

(Reggee Bonoan)