Limang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay nang makasagupa nila ng tropa ng militar sa tatlong bayan ng Maguindanao noong Bagong Taon.
May 1,000 pamilya na lumikas upang makaiwas sa labanan ang natatakot bumalik sa kanilang bahay, iniulat ng pulisya kahapon.
Nabalot ng tensiyon ang mga bayan ng Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan at Datu Shariff Saydona sa pag-atake ng ng BIFF.
Nilusob ng mga rebelde ang mga detachment ng Army na nagbabantay sa tatlong kabayanan at sinilaban ang limang bahay.
Inireport ng Humanitarian Emergency Action Response Team ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na matagal nang nagbabanta ang BIFF na maghahasik ng kaguluhan sa tatlong bayan.
Kinumpirma ng Maguindanao Provincial Police Office (MPPO) na limang kasapi ng BIFF ang namatay sa sagupaan. Hindi sinabi ng pulisya kung may nasugatan o namatay sa panig ng Army. (FER TABOY)