BRASILIA (Reuters) - Patay ang 56 na katao sa riot ng magkakalabang gang sa kulungan sa Brazil, ang pinakamadugong karahasan sa loob ng mahigit dalawang dekada sa siksikang penitentiary system ng bansa, sinabi ng mga opisyal noong Lunes.

Iniulat ni Sergio Fontes, ang security chief sa Amazonas state, sa mamamahayag na ilang pugot na katawan ang inihagis sa kabilang pader ng kulungan sa lungsod ng Manaus sa estado ng Amazonas. Karamihan ng mga namatay ay miyembro ng Sao Paulo-based First Capital Command (PCC) drug gang.

“This was another chapter in the silent and ruthless war of drug trafficking,” aniya.

Sinabi ni Pedro Florencio, ang Amazonas state prison secretary, na ang masaker ay “revenge killing” sa away ng mga criminal gang sa Brazil.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nagsimula ang karahasan noong Linggo ng gabi at natapos dakong 7:00 ng umaga ng Lunes, ayon kay Fontes.

Nang sumiklab ang riot sa isang selda ng Anisio Jobim prison complex, ilang dosenang preso sa ikalawang selda ang nagtakasan, na ayon sa mga awtoridad ay plinano para lituhin ang mga guwardiya.

Nakakulong sa Anisio Jobim prison complex ang 2,230 preso kahit na ang kapasidad nito ay nasa 590 lamang.

Kabuuang 184 preso ang nakatakas, at 40 ang muling nahuli kinahapunan ng Lunes.

Ang karahasan ang huling sagupaan ng magkakalabang preso na miyembro ng PCC, ang pinakamakapangyarihang drug gang ng Brazil, at ng Manaus criminal group na kilala bilang North Family.

Pinaniwalaang inatake ng Manaus-based gang ang mga presong PCC sa utos ng Rio de Janeiro-based Red Command (CV) drug gang, ang pangalawang pinakamalaki sa Brazil.

Sa huling riot, isang grupo ng mga preso ang nakipagbarilan sa mga pulis at hinostage ang 12 prison guard, sa pinakamalaking kulungan sa Manaus, iniulat ng Globo TV.

Sinabi ni Fontes na 74 na preso ang hinostage habang nagkakagulo, ang ilan ay pinalaya, habang pinatay ang iba pa.

Ang riot noong Linggo ay ang pinakamadugo sa loob ng maraming taon. Sa rebelyon noong 1992 sa Carandiru prison sa Sao Paulo, 111 preso ang namatay nang pasukin ng mga pulis ng kulungan.

Sinabi ni Maria Canineu, director ng Human Rights Watch for Brazil, na ang huling karahasan ay bunga ng 20 taong pagpapabaya ng gobyerno sa penitentiary system.