MALIMIT sumagi sa aking isip ang makahulugang kasabihan na paminsan-minsang binibigkas ng isang pulitiko: Pinatatag ng trahedya. Nangangahulugan na ang kanyang paglilingkod sa pamahalaan ay lalo pang naging makabuluhan at katanggap-tanggap sa mga mamamayan nang siya ay makaligtas sa isang malagim na pagpupulong ng mga pulitiko mahigit apat na dekada na ang nakalilipas.

Ang tinutukoy kong pulitiko ay si dating Manila Mayor Gemiliano ‘Mel’ Lopez na sumakabilang-buhay kamakalawa dahil sa cardiac arrest. Isa siya sa mga naging biktima ng nakakikilabot na pambobomba sa miting ng Liberal Party (LP) sa Plaza Miranda (Quiapo, Maynila) noong mga huling bahagi ng dekada ‘70. Si Mel, tulad ng tawag namin sa kanya, ay pansamantalang tumigil sa pagseserbisyo sa bayan makaraan ang naturang trahedya sapagkat hindi nagtagal, idineklara ng rehimeng Marcos ang martial law.

Bago naganap ang naturang insidente na bumiktima rin sa mga haligi ng LP, si Mel ay aktibo na rin sa pulitika. Noong mga huling bahagi ng dekada 60, nahalal siya bilang konsehal ng Unang Distrito (Tondo) ng Maynila; nanatili sa nasabing tungkulin hanggang sa maganap nga ang kahindik-hindik na trahedya.

Bilang isa sa pinakabatang lingkod ng bayan, dalawang makatuturang sistema ng paglilingkod ang hinangaan sa kanya ng sambayanan: Paghahain sa Manila City Council ng kapaki-pakinabang na mga ordinansa, at pagtutol sa masasamang bisyo, lalo na sa hanay ng mga kabataan. Nasubaybayan ko ang ganitong pagsisikap ni Mel sapagkat nagkataon na ako ay itinalaga bilang City Hall reporter noon ng Taliba – ang kapatid na pahayagan ng orihinal na Daily Mirror at Manila Times.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang ganitong mga adhikain ni Mel ay ipinagpatuloy niya nang manungkulan siya bilang Alkalde ng Maynila noong panahon ni Presidente Cory Aquino; nang manumbalik noon ang demokrasya sa bansa dahil sa pagkakapatalsik sa Marcos regime sa pamamagitan ng itinuturing na bloodless revolution. Sa kanyang panunungkulan bilang Alkalde, minsan pa niyang ipinamalas ang natatanging pagseserbisyo na walang kaakibat na mga alingasngas at iba pang uri ng mga pananamantala sa tungkulin. Kabilang dito ang mahigpit niyang pagtutol sa mga financial assistance mula sa sugal, tulad ng Pagcor funds, bilang pantustos sa operasyon ng siyudad at iba pa.

Kilala rin si Mel bilang kaagapay ng mga kagawad ng media o mamamahayag. Hindi ko malilimutan ang nilagdaan naming Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa pagkakaloob ng libreng pagpapagamot sa Ospital ng Maynila ng lahat ng miyembro ng National Press Club (NPC) at ng kanilang pamilya. Bahagi ito ng kanyang pagkilala sa kahalagahan ng mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate sa pagbalangkas ng mga patakaran na ipinatutupad para sa kapakanan ng Manilans. Taglay niya ang ganitong mga simulain hanggang sa kanyang pagkamatay.

Sa ngalan ng ating mga kapatid sa propesyon, isang taimtim na pakikiramay sa iyong mga mahal sa buhay, Mel.

(Celo Lagmay)