irma-at-direk-alvin-yapan-copy

(Editor’s note: Naririto ang opisyal na pahayag ng direktor at ng executive producer ng Oro na ipinost nila sa Facebook page ng pelikula. As of press time, nagdesisyon na ang pamilya Poe at MMFF na bawiin ang FPJ Memorial Award. )

Hindi po totoo na pumatay kami ng aso para lang sa pelikula.

May dalawang aspekto po ang pahayag na iyan. Una, tungkol sa usapin muna ng pelikula. Hindi ko inimbento ang metapora ng aso dito para lang pumatay ng aso sa loob ng isang pelikula para lang pag-usapan. Nasa tunay talagang pagsasalaysay ng testigo sa Gata 4 Massacre na bumalik siya para singilin ang Patrol Kalikasan para sa kinatay nilang aso. Dahil nga kumakain ng aso ang patrol kalikasan, kasi nga tradisyon ang pagpulutan ng aso sa inuman sa ilang probinsiya sa bansa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ikalawa, hindi totoo na inutusan ko ang isang aktor para lang pumatay ng aso. Diyan ako pinakanagalit. Hindi ako tanga. At kahit sinumang aktor siguro hindi papayag diyan. O hindi ko ilalagay ang sinumang aktor sa ganyang posisyon. Sa probinsiya po may mga nakatalaga talagang tagapatay ng aso, baboy, baka, etc.

Hindi rin totoo na kinain iyong aso sa set. Sa pagkakatanda ko ibang araw shinoot iyong inuman scene doon sa mismong pagkatay ng aso. Baboy ang ginamit nila. Nasa pag-edit na po iyon.

Bakit hindi ko sila tinuruan na mali ang pagkatay ng aso? Bakit hindi ko sila tinuruan ng animal welfare? Sino ako para gawin iyon sa kanila? Ni wala akong nagawa para sa pakikipaglaban sa karapatan ng kanilang mga mahal sa buhay, tapos lelecturan ko sila sa karapatan ng asong kinakain nila? Sino naman akong burgis na tagasentro na bigla na lang lelecturan sila na barbaro ang kanilang ginagawa ni wala nga akong naitulong para iangat ang kanilang antas ng pamumuhay para naman baboy at baka na ang kanilang kainin?

And now you are doing this to me for giving voice to the violence they experienced?

--- ALVIN YAPAN, Writer & Director

****

A Depiction of Tradition

Bahagi ng tradisyon ng Pilipinong komunidad ang pagsasama-sama at pagkatay ng hayop para makain sa isang salu-salo.

Nariyan ang baka, baboy, kambing, manok, kasama ang aso. Kung ano ang natatagpuan sa kanilang lugar, yaon ang kanilang kinakain.

Nais sa pelikula ipakita ang kakaibang dinadaanan ng masang komunidad na mayaman sa likas na yaman -- ginto.

Nagnanais at nangangarap ang komunidad para umunlad.

Ang mga maunlad na komunidad ay patuloy na nagtitipun-tipon at nagpapakatay ng baka at baboy para sa kanilang litson habang may mga komunidad na naiiwan sa pag-unlad sa iba’t ibang aspeto ng buhay. May komunidad na hanggang ngayon, aso pa rin ang kanilang nakakayanang katayin.

Ngayon ay may batas na nagbibigay proteksiyon sa mga hayop. Ito po ay iginagalang at sinusunod ng Feliz Film Productions. Wala sa production team ang pumatay ng aso. Ngunit, kinailangang ipakita ang nakagisnang tradisyon na hanggang sa ngayon ay ginagawa pa din ng iba’t ibang tribo at komunidad na naaayon sa kanilang kultura.

Nais ng pelikula na pag-isipan at pag-usapan ang mga metapora na ipinakita ng pag-alaga at pagkatay ng hayop:

1. Pinag-usapan ng mga minero sa kanilang pangingisda ang kakaibang batas na nagbabawal pumatay ng ahas. Nabalitaan nila ang matandang natakot sa ahas na nakita niya sa kanyang bahay. Pinatay niya ito at siya ay nakulong.

2. Iniregalo kay Gng. Razon ang isang “cute” na aso. Ito ay kanyang mas pinahahalagahan kaysa sa mga batang musmos at gutom. Ang aso ay pinapaliguan at binibilhan ng pagkain mula pa sa bayan habang ang mga bata ay pinapabayaan.

3. Ikinatay ang aso at pinagsaluhan. Umasa ang produksiyon na manindigan ang animal welfare advocates na magsalita at turuan ang sambayanan tungkol sa tamang pag-alaga at proteksiyon sa mga hayop.

Ngunit sa kabilang banda, ninanais ng produksiyon ang mas pagpapahalaga sa karapatang pantao. Pag-alaga at proteksiyon sa isang komunidad na inagawan ng hanapbuhay at ang apat ay pinatay.

Ang Oro ay isang pelikula na nagtatanong at naghahangad. Nagtatanong ang Oro kung sino ka, manonood, sa mga karakter sa pelikula. Naghahangad ang Oro kung ano (ang) dapat na mga pagbabago pagkatapos mong makita ang iyong sarili.

Pagbabago ang hangad ng MMFF. Ito ang ibinibigay ng Oro!

Mabuhay Pilipinas!

--FELIZ GUERRERO, Executive Producer