HALOS 60 porsiyento ang ibinaba ng mga nadisgrasya sa paputok sa buong bansa sa pagsalubong ng ating mga kababayan sa Bagong Taon, pagmamalaking ibinalita ng Department of Health (DoH) at ng Philippine National Police (PNP) – at ang nakatutuwa pa rito ay wala raw kahit isang naitalang nasawi dahil sa paggamit ng paputok at ilegal na pagpapaputok ng baril, lisensiyado man o hindi.
Ngunit hindi magsisinungaling ang mga numero – ang matitigas ang ulo at mahirap pa ring mapasunod, ay siyempre pa, tayong mga taga-Metro Manila, dahil mula sa nakalap na kabuuang bilang na 350 nadisgrasya sa paputok, ang 211 rito ay pawang mga galing sa Kalakhang Maynila. Pumangalawa lamang sa matitigas ang ulo ang mga taga-Western Visayas na may naitalang 34 na kaso. Maraming natuwa sa resultang ito ng kampanya ng DoH at PNP na maipababa ang bilang ng mga nadidisgrasya sa mga paputok sa buong kapuluan - at talaga naman kasing dapat silang palakpakan sa nakabibilib na resultang ito.
At siyempre, dahil sa kaunti na lamang ang mga nagpaputok at gumamit ng mga pailaw, ibinalita rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) na malaki rin ang ibinaba ng bilang ng kaso ng sunog sa buong bansa pagkatapos pumitada ng 12:00 ng hatinggabi. Ang BFP kasi ang isa sa mga nagiging abalang departamento, bukod sa DoH at PNP, tuwing matatapos ang pagsalubong sa Bagong Taon. Nakagugulat nga dahil dito sa lugar namin sa Novaliches, Quezon City, parang halos wala akong narinig na sirena ng mga bombero pagtila nang malalakas na putukan.
Medyo ang nakaiinis lamang dito ay may ilang opisyal sa ating pamahalaan na sa kagustuhang yatang pumapel o magpapansin kay Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay agad ipinangalandakang resulta raw ito nang pagkatakot ng maraming tao sa istilo ng pamamahala ni PRRD, kayat karamihan umano sa mga mamamayan ay umiwas na sa paggamit ng paputok.
Ngunit kung ganyan ang nakikita nila – tahasan ko namang sasabihin—ang nakikita ko ay sadyang mahirap na talagang kitain ang pera sa ngayon, ramdam ito ng mga kababayan natin kaya sa halip na “sunugin” ang kanilang pinaghirapan sa mga paputok at mga pailaw, pinili nilang gastusin na lamang ito sa pagkain at iba pang may katuturang mga bagay.
Sa totoo lang, ibigay na natin ang kredito rito sa DoH at PNP, na sa tulong ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, ay talaga namang gumugol ng oras at nagpakahirap para maiparating sa mga mamamayan ang perwisyong makukuha sa pagpapaputok kaya dapat lamang na itigil na ito – MANIGONG BAGONG TAON sa inyong lahat!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]