Hindi pa man naililibing ang pitong katao na minasaker sa Caloocan City kamakailan, apat pang katao, kabilang ang isang mag-asawa, ang pinatay matapos pasukin at pagbabarilin sa bahay ng apat na lalaki, nitong Lunes ng gabi.

Dead on the spot sina Jeffry Robles, 35; asawa niyang si Wena, 24, pawang residente ng Phase 8B, Package 1B, Barangay 176 ng nasabing lungsod at isang nagngangalang “Jay-Ar”, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naisugod naman sa Tala Hospital si Michael Benanoso, ngunit namatay din dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Base sa report, bandang 11:25 ng gabi, nagkukuwentuhan ang mga biktima sa bahay ng mag-asawang Robles.

Cielo Magno, bet masilip Blue Ribbon Committee report na ayaw pirmahan ni Sen. Robin Padilla

Makalipas ang ilang sandali, biglang pumasok ang apat na lalaki na pawang nakasuot ng face mask at sombrero at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.

Ayon sa mga kapitbahay ng mga biktima, 10 putok ng baril ang kanilang narinig mula sa bahay ng mag-asawa.

Inaalam pa ng mga pulis kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa apat.

Kamakailan, pitong katao rin, kabilang ang limang menor de edad, ang binaril at pinatay ng apat na suspek sa Bagong Silang North Caloocan. (Orly L. Barcala)