SA mga huling araw ng administrayong Obama, ipinahayag ng pamahalaan ng United States ang pagpaparusa laban sa pangunahing intelligence agency ng Rusya – ang GRU, military intelligence agency ng Russia at ang FSB, na pumalit sa KGB. Sinarhan ang dalawang Russian compounds – sa New York at sa Maryland. Sinipa rin ang 35 Russian diplomat na ayon sa claimed ay intelligence operatives.
Ito ay isinagawa, sabi ni Pangulong Barack Obama, dahil sa pangha-hack ng Russia sa halalang pangpanguluhan sa US, upang diumano’y tulungan ang kandidatura ng Republican na si Donald Trump laban sa Democratic candidate na si Hillary Clinton. Pinasok diumano ng Russian hackers ang emails ni Clinton at ng Democratic Party at inilabas ito sa publiko.
Nagsalita si Pangulong Obama ng posibilidad ng counterstrike sa cyberspace subalit ang isinagawang aksiyon ay tila katiting lamang naman ang epekto. Kabilang sa mga parusa ng US ang pagpigil sa anumang assets ng GRU at FSB sa US, pero ipinagbabawal din naman sa batas sa Russia ang pagkakaroon ng assets sa US ang mga naturang ahensiya. Itinanggi ng Russia ang alegasyon ng hacking at tinawag na ang mga sanctions ay malamyang pagtatangka para sirain ang ugnayang Ruso-Amerikano.
Noong nakaraang Setyembre, nagpataw ng sanctions ang US sa aksiyon ng Russia sa Ukraine. Pinuna rin ng US ang pagsuporta ng Russia kay Syrian President Bashar Assad, na nauwi sa pagkamatay ng maraming rebelde at sibilyan sa Aleppo. Ang hacking sa halalan sa US ang pinakahuling dahilan ng sigalot ng dalawang bansa.
Dahil sa pahayag ni Pangulong Obama tungkol sa sanctions sa election hacking, iniulat na kinokonsidera ring gumanti ng pamahalaan ng Rusya pero sinabi ring isinasaalang-alang nito ang katotohanan na sa loob lamang ng dalawang linggo ay magkakaroon na ng bagong pangulo ang US, si Donald Trump -- na ipinagwawalang-bahala lamang ang ulat ng Federal Bureau of Investigation hinggil sa hacking at sinabing napupulitika lamang ito. Nitong nakaraang Biyernes, iwinaksi ni Putin ang panawagang pagpapatalsik din ng mga Amerikano sa Rusya.
Umaasa tayo na maaayos ni Trump at ni Russian President Vladimir Putin ang anumang mga suliraning namamagitan sa dalawang bansa, na titigil na ang magkakasunod na gantihan, at nang tuluyan nang huminto ang pinakahuling bantang ito sa kapayapaan at maayos na ugnayan ng Amerika at Russia, dahil apektado rin nito ang kapayapaan at katatagan ng buong mundo.