BRISBANE, Australia (AP) — Tandaan ang pangalan: Destanee Aiava.
Kung hindi magbabago ang ihip ng kapalaran, siya ang kinabukasan ng international tennis.
Sa edad na 16-anyos, naiukit sa kasaysayan ng sports ang pangalan ng tennis protégée na malabong mapantayan nang mga kasabayan niyang ipinanganak sa panahon ng ‘millennium’.
Impresibo si Aiava sa qualifying bago tanghaling kauna-unahang player na ipinanganak sa taong 2000 na nagwagi ng main draw match sa pamosong WTA event matapos gapiin ang beteranang si American Bethanie Mattek-Sands, 2-6, 6-3, 6-4 nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa naantalang first-round match ng Brisbane International.
Bago ito, usap-usapan na si Aiava nang pagkalooban ng wild-card slot para makalaro sa Australian Open sa Enero 16 sa kanyang hometown sa Melbourne. Nakatakda siyang tanghaling unang player na ipinanganak sa ‘millennium year’ na makalalaro sa main draw ng Grand Slam event.
Hindi naging madali ang panalo sa main draw ni Aiava na umabot ng dalawang araw dulot ng pag-ulan. Itinigil ang laro niya kay Mattek-Sands nitong Lunes (Martes sa Manila) dulot nang malakas na buhos ng ulan. Tangan niya ang 3-0, 40-15 bentahe nang ihinto ang laro sa third set.
Sa pagpapatuloy ng laro, nagkalat nang bahagya si Aiava, bago naisalba ang ilang pagkakamali na nagresulta sa double-fault tungo sa impresibong panalo.
"Struggled a bit at the end, but I got through it," pahayag ni Aiava.
Naglaro ang kanyang 31-anyos na karibal sa unang career Grand Slam sa Open noong 2001 at regular campaigner sa WTA.
Ipinanganak si Aiava noong Mayo 10, 2000 at world No. 386 sa pinakabagong ranking. Makakaharap niya sa second-round ang 31-anyos na si Svetlana Kuznetsova, ang two time Grand Slam champion at seeded No. 5.
Sa kanyang batang career, napasabak na si Aiava laban sa ilang A-lister ng WTA. Noong 2012, napagwagihan niya ang Longines Future Tennis Aces tournament sa Paris kung saan ang premyo ay ang makalaro ang 22-time Grand Slam winner na si Steffi Graf.
Sa kabila nito, nananatiling star-struck ang Melbourne high school senior sa mga hinahangaang player sa locker room.
"Pretty crazy. I walk in, and there are people I have watched on TV before and it's, like, Oh!", pahayag ni Aiava, ipinanganak at lumaki sa Australia mula sa pamilya na may dugong Samoan.