HINAHANGAD ng Department of Tourism (DoT) ang tatlong milyong karagdagang bisita ngayong taon mula sa anim na milyon noong nakaraang taon sa rehiyon ng Davao.
Pahayag ni Tourism Secretary Wanda Corazon Teo sa isang panayam nitong Lunes, “This mark could be too ambitious but we will market our destinations around the globe the best way we could.”
“You know I am very ambitious but we will work hard for it,” aniya, at ipinaliwanag na magiging abalang taon ang 2017 dahil sa iba’t ibang events na nakatala hanggang sa pagtatapos ng taon.
“We are starting the year right with big international events,” ani Sec. Teo.
Ibinahagi rin niya na malaking oportunidad ang pagho-host ng Miss Universe pageant para makilala sa buong mundo ang lungsod at ang Pilipinas.
“The ASEAN 50 is another big one that we are hosting this January,” sabi pa niya.
Nangako si Teo na itatampok ang iba’t ibang destinasyon sa bansa at lalo pang ipakikilala ang Davao sa domestic at international travel fair.
Sinabi niya na maglalaan ng malaking budget ang DoT para sa promotion ng Davao. “And in all of the travels that I’ve done especially on international, I endorsed the country’s destinations including Davao,” aniya.
Magsasagawa rin sila ng promotion para sa buong Mindanao.
Inaasahan ni Teo ang mas pagdagsa ng tourism-related investment sa Davao. Ibinahagi niya na sa katunayan ay may grupo ng mga investor mula China na nagtungo sa lungsod para bisitahin ang pook na iniaalok sa kanila.
Hindi nagbigay ng iba pang mga detalye si Sec. Teo tungkol dito, ngunit sinabi niya na pinuntahan na ng mga investor ang lugar nitong nakaraang Disyembre. Lugar na may sukat na 300 ektarya ang hinahanap ng investors. (PNA)