Tinatayang 18 milyong deboto ng Itim na Nazareno ang sasama sa pista ng Poon sa Lunes.

Ito ay mas marami ng tatlong milyon na dumalo sa traslacion noong 2016.

Ang estima ay galing sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isa sa mga ahensiyang naghahanda para sa malaking aktibidad sa Maynila.

Kahapon ay tiniyak din ni Mayor Joseph Estrada na handa ang lungsod na pangalagaan ang seguridad ng mga dadalo sa traslacion.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matapos makipagpulong kay Manila Police District (MPD) director Senior Supt. Joel Coronel, inihayag ni Estrada na nabuo na nila ang incident command system (ICS), na mangunguna sa pagpapatupad ng seguridad sa prusisyon ng Itim na Nazareno.

“Natapos na natin ang lahat ng ating preparasyon at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya. Masasabi kong handa na tayo sa anumang klaseng emergency,” pahayag ni Estrada.

Ayon sa alkalde, mahigpit niyang tinagubilinan ang 4,995 miyembro ng MPD na itaas ang antas ng seguridad sa lungsod lalo na’t kamakailan lamang ay nagbabala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring maglunsad ng “diversionary attacks” ang Maute terror group sa Maynila.

Nabatid na tinutugis ngayon ng militar ang Maute group sa Butig, Lanao Del Sur. Ang grupo ang pinaniniwalaang nasa likod ng pambobomba sa Hilongos, Leyte, nitong Disyembre 28 na ikinasugat ng 32 katao.

Ayon kay Coronel, ang pagtatatag ng ICS ay naaayon sa Republic Act 10121 o ang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”.

Ang ICS ay binubuo ng iba’t ibang ahensiya mula sa pamahalaang lokal at national government na magpapatupad ng lahat ng contingency measures sa malalaking kaganapan tulad ng traslacion.

“We have established our incident command system and our contingency preparation, nag-i-improve pa tayo in time, getting better every year and hopefully this is not the last of the series of adjustments,” paliwanag ni Coronel.

Aniya, noong Hulyo pa sinimulan ang pagpaplano para sa traslacion.

“Our coordination is better than ever with different agencies, with the rescue management office, DOH, DPWH, MMDA, PNP and private organizations like Red Cross,” dagdag pa niya.

“Mas ine-expect po namin na ang attendees for this year will increase. If last year, around 12 to 15 million, we’ll go about 15 million ngayon, at the very least for the six-day Black Nazarene celebration including those na nag-aattend ng misa sa simbahan,” ani Coronel.

Sinabi naman ni Bong Nebrija, supervising officer for Operations at Clean Up Groups ng MMDA, na nagpupulong na ang mga miyembro ng traffic management, rescue operation at clean up groups ng MMDA para sa magiging hakbang nila sa Pista ng Itim na Nazareno.

Aniya maagang sisimulan ng MMDA ang paglilinis sa mga rutang dadaanan ng traslacion.

Wala pang inilalabas na magiging ruta ng prusisyon ang MMDA subalit tinitiyak ng ahensya na may mga karagdagan silang mga tauhan na itatalaga sa mga kritikal na lugar kung saan maraming mga deboto ang naaaksidente, nahihilo at nawawalan ng malay sa traslacion. (Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)