Nagpadala na ng mensahe si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay Pangulong Rodrigo Duterte at hiniling na mapabilis ang pag-apruba sa inirekomenda ng Department of Justice na listahan ng mga maysakit at matatandang bilanggo na dapat mapalaya sa pamamagitan ng clemency.
Ayon kay Aguirre, ang mensahe ay ipinaabot niya mismo kay Presidential Management Staff Chief Christopher Lawrence “Bong” Go.
Kinumpirma rin ni Aguirre na 127 sa kabuuan ang mga inmate na inirekomenda ng DoJ sa pamamagitan ng Board of Pardon and Parole na mabigyan ng pardon at commutation.
Isinumite ang listahan sa Palasyo bago mag-Pasko, pero dahil sa dami ng mga isyung tinututukan ng Malacañang, hindi naihabol ang pagpapalaya sa mga nasabing preso nitong Pasko at Bagong Taon.
Labing apat sa mga inirekomenda ay matatanda na nasa 70- anyos pataas na. Dalawa ang hiniling na mabigyan ng absolute pardon, 18 ang conditional pardon without parole, 14 ang conditional pardon with parole condition, at 100 ang commutation of sentence.
Kasama rin sa bilang ang mahigit 30 preso na inirekomendang mabigyan ng pardon noon pang nakaraang administrasyon.
Kung saka-sakali, ito ang unang presidential pardon na aaprubahan ng Malacañang sa loob ng anim na taon dahil walang ibinigay na pardon si dating Pangulong Benigno Aquino III. (Beth Camia)