ISTANBUL (AP) — Pinaghahanap pa rin ng Turkish police ang lalaking namaril sa isang sikat na nightclub sa Istanbul sa bisperas ng Bagong Taon na ikinamatay ng 39 katao, karamihan ay dayuhan. Umabot na sa 70 ang sugatan.
Pinatay ng suspek, armado ng mahabang baril, ang isang pulis at isang sibilyan sa labas ng Reina club dakong 1:15 ng umaga bago pumasok at pinaulanan ng bala ang mga nasasaya, ayon kay Istanbul Gov. Vasip Sahin.
Kabilang sa mga banyagang namatay ang isang 18-anyos na babaeng Israeli, tatlong Indian, tatlong Lebanese, isang babaeng may dual French-Tunisian citizenship at ang kanyang asawang Tunisian, dalawang Jordanian, isang Belgian, isang Kuwaiti, at isang Canadian, ayon sa ulat ng gobyerno ng mga nasabing bansa.
Isang Amerikano, ilan pang mamamayan mula sa Saudi Arabia, Morocco, Lebanon at Libya ang nasugatan.
Sinabi ni Interior Minister Suleyman Soylu na pinaghahanap pa rin ang hindi pa nakikilalang suspek. “Our security forces have started the necessary operations. God willing, he will be caught in a short period of time,” ani Soylu.
GANTI NG IS
Inako ng grupong Islamic State ang pag-atake.
Sa ulat ng IS-linked Aamaq News Agency, sinabi ng IS na ang pag-atake ay isinagawa ng “heroic soldier of the caliphate who attacked the most famous nightclub where Christians were celebrating their pagan feast.”
Ganti diumano ito “for God’s religion and in response to the orders” ng lider ng IS na si Abu Bakr al-Baghdadi.
Inilarawan ng grupo ang Turkey na “the servant of the cross.”
Bago nito, iniulat ng Turkish media na naniniwala ang mga awtoridad na IS ang nasa likod ng pag-atake.
Binanggit ng mga pahayagang Hurriyet at Karar na sinabi ng mga hindi pinangalanang security officials na natukoy nila na ang suspek ay nagmula sa Central Asia at posibleng mamamayan ng Uzbekistan o Kyrgyzstan.
Naistablisa ng pulisya ang pagkakahawig ng maraming biktima sa pag-atake sa Ataturk Airport noong Hunyo at iniimbestigahan kung iisa ang IS cell na nagsagawa ng dalawang pag-atake.