Mag-uusap ang Philippine Sports Commission at lahat ng mga national sports association (NSA’s) na nasa ilalim ng Philippine Olympic Committee para itakda ang plano ng sports sa bansa sa isasagawa na Southeast Asian Games and Olympics Coordination Meeting sa Taal Vista Hotel sa Tagaytay City ngayong Enero 5 hanggang 7.

Ipinadala mismo ng PSC ang imbitasyon matapos lamang ang Bagong Taon sa mga NSA’s para sa tatlong araw na konsultasyon hinggil sa bawat plano ng mga asosasyon at pagpiprisenta naman ng ahensiya ng pamahalaan sa sports para sa mga ninanais itong isaimplementang programa sa susunod na apat na taon.

“We would be delighted to have you present in this consultation to share with you the plans and programs of the Commission for the future of Philippine Sports,” ayon sa imbitasyon na pirmado ni PSC Chairman WilliamRamirez.

Nakatakda din pag-usapan sa tatlong araw na pagpupulong ang nalalapit na kampanya ng Pilipinas sa ika-29th edisyon ng Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31 pati na rin ang NSA Plans and Programs for 2017-2020.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kasalukuyan ay mayroong 43 na regular na NSA’s habang may anim na associate members at pitong recognized association.

Una nang inihayag ng PSC na tututukan nito ang pag-angat ng mga pambansang atleta pati na coaches sa susunod na taon sa hangad nitong muling makamit ang pangkalahatang korona sa pagsasagawa muli sa bansa ng kada dalawang taon na Southeast Asian Games sa taong 2019.

“Natutok tayo masyado sa mga unliquidated account at iba pang mga nadatnan natin na isyu sa mga national sports associations (NSA’s), medyo nakalimutan natin ang tunay na focus ng ating ahensiya na tulungan ang mga national athletes at makahanap ng mga bagong talento,” sabi ni Ramirez.

Una na sa programa ng PSC ay ang paglulunsad ng Philippine Sports Institute (PSI) sa Enero 17 na siyang tututok sa bawat programa, plano at paghahanda ng mga national sports associations (NSA’s) para sa 2017 Malaysia SEA Games patungo na sa 2018 Asian Games sa Indonesia. (Angie Oredo)