PANGUNGUNAHAN ni dating Southeast Asian Games gold medalist Marella Salamat ang mga siklistang Pinoy na sasabak sa idaraos na Asian Cycling Championships na gaganapin sa Bahrain sa susunod na buwan.

Makakasama ni Salamat bilang kinatawan ng bansa sina Avegail Rombaon at mga Batang Pinoy standouts na sina Irish Wong, Toma’s Mojares at Aidabjames Mendoza.

Ayon kay national coach Cesar Lobramonte, naisumite na nila ang pangalan ng mga nabanggit na mga riders sa organizing committee na Bahrain Cycling Association.

Sasabak ang lima sa 2-in-1 tournament na kinabibilangan ng 37th Asia Road Race Elite Championships kung saan makikipagsapalaran sina Salamat at Rombaon at ang 24th Asia Road Juniors Championships na sasalihan ng tatlong Pinoy junior riders.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Tatangkain ng limang riders na tapusin na ang limang taon ng medal drought ng bansa sa naturang kampeonato.

Huling nagwagi na medalya ang Pilipinas sa Asian Championships noong 2011 nang manalo ng bronze medal si Rustom Lim sa Road Junior Massed start event. (Marivic Awitan)