LAGING sinasabi ni Pangulong Digong na ang kanyang pagkahalal ay pagkatig ng mamamayan sa kanyang ipinangako at paninindigan sa mga mahalagang isyung nagsulputan bago maghalalan. Kaya tungkol sa pagpapalibing sa labi ni Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), pinahintulutan daw niya ito dahil tinupad lamang niya ang kanyang sinabi.

Ipinaalala niya ang yugto ng presidential debate na naganap sa kanilang limang kandidato, na sa isyung ito, dalawa lamang sila ni VP Binay ang sumang-ayon dito. Wala aniyang dahilan upang magreklamo ang ilan dahil naging bukas naman siya dito.

Pero, isa lamang ito, ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB, sa kanyang mga ipinangako. Saksi ang buong bansa sa nasabing presidential debate na may iba pang ipinangako ang Pangulo na kanyang gagawin. Tahasan niyang sinabi na siya ay laban sa contractualization o “endo” na agad niya itong wawakasan kapag naupo siya. Humatak ito ng malaking grupo ng manggagawa na nanalig na nasa kanya ang katuparan ng kanilang pangarap na maging permanente sila sa kanilang trabaho.

Ipinangako rin ng pangulo na dadagdagan niya ang tinatanggap ng mga pensioner ng Social Security System (SSS). Maliit na halaga lang aniya ang nakukuhang benepisyo ng mga nagpepensiyon na hindi sapat para sustentuhan kahit ang medisinang kanilang kailangan sa araw-araw.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Higit sa lahat, ang ipinangako ng Pangulo na susugpuin niya ang kriminalidad at ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Halos lahat ay hindi niya nakumbinse na matutupad niya ito. Imposible, anila.

Mahigit na anim na buwan na siyang nakaupo, ang tanging natupad lamang niya sa kanyang mga ipinangako ay ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB. Ang contractualization, hanggang ngayon, ay nagpapatuloy pa kasi ipinaubaya lamang niya ang problemang ito kay Sec. Bello ng Department of Labor and Employment (DoLE). Limitado ang kakayahan nito para mapairal ang ipinangako ng pangulo na, anumang uri ang contractualization ay wawakasan niya. May batas kasi tungkol dito na dapat i-repeal. Hindi pa ibinigay ng pangulo ang problemang ito sa Kongreso upang ganap nang matapos ang “endo”. Kaya, dismayado ang mga manggagawa dahil ang binago lang ni Sec. Bello ay ang kautusan na ginawa ng mga nauna sa kanya na pinalawak ang “endo” sa pagpairal ng batas.

Naunsiyami ang mga SSS pensioner dahil ang karagdagang P1,000 sa kanilang pension na ibinigay na sa kanila ng SSS at dapat matanggap nila sa taong... ito ay naipit dahil pag-aaralan pa raw muna ito ng pangulo na kailangan ang kanyang lagda para sa implementasyon nito. Marahil nais niyang malaman kung dapat munang itaas ang kontribusyon ng mga miyembro bago ibagay ang umentong P2,000 sa mga pensionado.

Mahirap nang asahan na masusugpo ng pangulo ang krimen at ilegal na droga sa itinakda niyang panahon. Ang pagbabagong nangyari dito ay iba na ang mga kriminal. Higit na nakakatakot dahil lisensiyado na silang pumatay. (Ric Valmonte)