Balisa ang Department of Health (DoH) sa patuloy na pagdami ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus at Aquired Immunodeficiency Syndrome (HIV-AIDS) infection sa bansa.

Sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na 29 na kaso ng HIV-AIDS ang kanilang naitatala araw-araw, at karamihan ay kabataan.

Karamihan sa mga may-sakit ay nasa pagitan ng 15 at 24 taong gulang, mas mababa sa dating 30-40 taong gulang.

Pinakamarami pa ring kaso ay mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, na pumalo sa 82 porsiyento.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“It’s men having sex with men...About 82 percent (of cases),” sabi ni Ubial.

Naniniwala rin ang kalihim na dapat na magkaroon ng cultural change sa Pilipinas sa pagtalakay sa sex at sexual orientation upang malunasan ang problema.

Plano ng DoH na mamahagi ng libreng condom sa mga high school student simula sa susunod na school year upang maproteksiyunan sila sa sakit, ngunit umaani naman ang plano ng batikos, dahil mistula umanong hinihikayat pa ng pamahalaan ang mga kabataan na makipagtalik.

Batay sa HIV/AIDS &ART Registry of the Philippines (HARP) ng DoH, nitong Nobyembre ay nakapagtala sila ng 785 bagong HIV/AIDS infection.

Kabilang dito ang isang anim na taong gulang na bata, limang buntis at 21 nasawi sa sakit.

Lumilitaw na sa nasabing bilang ay 89 porsiyento o 672 kaso ang asymptomatic pa nang maiulat habang 86 ang full blown AIDS cases na.

Ang 96% o 727 ay lalaki at 31 ay babae.

Ang anim na taong gulang ay nahawa sa kanyang ina, 220 ang nasa 15-24 taong gulang, 396 ang nasa pagitan ng 25-34 taong gulang, at 18 ang nasa 50 taong gulang pataas.

Tatlo sa limang buntis na may HIV/AIDS ay mula sa Metro Manila, isa sa Region 7, at isa ang sa CARAGA Region.

Ang 732 kaso ay nahawa dahil sa pakikipagtalik, 25 ang nagkasakit dahil sa paggamit ng karayom sa mga kapwa drug users, at isa ang mother to child transmission o nahawa sa kanyang ina.

Pinakaraming naitalang kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR), na may 301, sumunod ang Region 4A (108), Region 3 (73), Region 7 (72), at Region 11 (47). (Mary Ann Santiago)