Hindi umubra ang lakas ng isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng magkapatid na kanyang sinuntok sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot nang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Steven Santos, 26, ng Phase 9, Package 6, Block 70, Lot 1, Bagong Silang ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa katawan.
Kaagad namang inaresto ng mga operatiba ng Police Community Precinct (PCP)-3 ang mga suspek na sina Mark Anthony Ombrog, 21; kapatid niyang si Ronnie, 19, kapwa residente ng Phase 9, Package 66, Block 71, Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon kay SPO1 Danilo Osias, dakong 2:00 ng madaling araw, himbing na himbing si Santos sa kanilang bahay.
Naalimpungatan ito dahil sa ingay hanggang sa napabalikwas nang makitang ibinibigti ni Ronnie ang kapatid ng kanyang live-in partner na si Sherwin Tenso, nasa hustong gulang.
Dahil dito, sinuntok ni Santos si Ronnie na ikinagalit ng magkapatid na Ombrog at pinagtulungan siyang saksakin.
Kasong homicide ang kinakaharap ng magkapatid at narekober din sa kanila ang patalim na ginamit sa krimen.
(Orly L. Barcala)