Planong ipatupad ng Metropolitan Manila Developement Authority (MMDA) ang “nose in, nose out” policy sa mga provincial buses upang maibsan ang matinding trapiko tuwing rush hour sa EDSA.
Ito ang inihayag sa isang panayam ni MMDA General Manager Thomas Orbos, na nagsabing epektibo ang eksperimento noong Pasko kung saan halos nasa 30 porsyento ang ibinawas sa bigat ng trapiko.
Aniya, ito ang kanilang gagawin hanggat hindi pa ibinibigay ng Kongreso ang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para maibsan ang trapiko sa Metro Manila.
Sa ilalim ng nasabing programa, bawal lumabas at pumasok ng kanilang mga terminal ang mga provincial bus mula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.
Maliban dito, iniisip na rin ng MMDA ang tuluyang pagtatanggal ng mga bus terminal sa EDSA at paglipat ng mga ito sa labas ng Metro Manila.
Base sa record ng MMDA, may 3,300 provincial bus ang bumabaybay sa EDSA araw-araw. (Jun Fabon)