SA kanyang pamumuno, natikman ng amateur boxing ang ipinapalagay na ‘golden moment’. Bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), natikman ng atletang Pinoy ang pagkalinga na tulad sa isang ama.

Sa edad na 81-anyos at sa pagsalubong sa Bagong Taon, mapayapang nilisan nitong Linggo ng dating Manila Mayor Gemiliano ‘Mel’ Lopez ang mga atleta at mahal sa buhay.

Kinumpirma ng kanyang anak na si Manila 1st district congressman Manny Lopez sa Spin.ph. ang pagpanaw ng dating pangulo ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) bunsod ng atake sa puso.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“He passed away 6:18 p.m. on Sunday at the St. Luke’s hospital. Nakakalungkot pero ganyan talaga ang buhay,” pahayag ni Manny, nagmana sa trono ng ama sa ABAP mula 1993 hanggang 2009.

Ayon kay Manny, bumiyahe pa ang ama patungong Bulacan para makasama ang mga kaanak sa araw ng Pasko.

“Alam mo naman ngayong Christmas season,” aniya. “Napagod din siya.”

Ang matandang Lopez, two-time Manila Mayor, assemblyman, at naging councilor, ang nagpaunlad ng amateur boxing sa bansa na kanyang kinalinga mula 1987 hanggang 1993.

Sa panahon ng kanyang pamumuno sa ABAP, natikman ng bansa ang bronze medal sa magkasunod na Olympics mula kina Leopoldo Serrante sa 1988 Seoul, Korea at Roel Velasco noong 1992 Barcelona Games.

Ipinakilala niya ang grassroots sports program na ‘Go-For-Gold’ para makatuklas ng mga talento sa lalawigan.

Nagbitiw siya sa ABAP noong 1993 para pamunuan ang PSC sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

“He had a vision for Philippine sports and he attained that through the various medals we obtained in the Olympics, Asian Games, and other international events,” pahayag ni Manny Lopez.

Nakahimlay ang kanyang mga labi sa Heritage Park sa Taguig at nakatakdang dalhin sa Tondo, ang pinagmulan ng kanyang pamilya, sa Miyerkules. Nakatakda ring parangalan ang datig Manila Mayor sa City Hall sa Huwebes, bago ang libing sa Sabado.