Isang araw matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon ay umakyat sa 524 ang bilang ng fireworks-related injuries na naitala ng Department of health (DoH).

Ngunit nilinaw ni Dr. Eric Tayag, assistant secretary at tagapagsalita ng DoH, na ang bilang, na naitala mula Disyembre 21, 2016 hanggang 6 ng umaga ng Enero 2, 2017, ay mababa pa rin ng 40 porsiyento sa 874 biktima na naitala nila sa kahalintulad ng petsa noong nakaraang taon.

Sa naturang bilang ay 521 ang naputukan ng kwitis o rebendator at tatlo ang nakalunok ng paputok.

Ang 426 o 82 porsiyento ay lalaki, habang 284 (55 %) ay bata.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang pinakabatang biktima ay isang taong gulang at ang pinakamatanda ay 71.

Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang may pinakamaraming naitalang biktima ng paputok: 297 (60 %).

Nangungunang mapaminsala pa rin ang piccolo na bumiktima ng 177 katao.

Nasa 98 katao naman ang nasugatan sa mata, at ang iba pa ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kalimitan sa kamay.

Ang tanging biktima ng stray bullet na naitala ng DoH ay si Emmelyn Villanueva, 15, na taga-Malabon City.

Tinamaan siya ng bala sa bumbunan habang nanonood ng kwitis.

Hindi kasama sa bilang ng tinamaan ng stray bullet ang tatlo pang indibiduwal na tinamaan ng ligaw na bala na naitala ng Philippine National Police (PNP) mula sa ibang lugar.

Sa tala naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO), 173 ang nabiktima ng paputok.

Ayon kay NCRPO Spokesperson Chief Insp. Kimberly Molitas, 89 na biktima ang iniulat ng Manila Police District (MPD), 37 ng Eastern Police District (EPD), 24 ng Southern Police District (SPD), 12 ng Quezon City Police District (QCPD) at 5 ng Northern Police District (NPD).

Tig-isang insidente ng pagtama ng ligaw na bala ang naitala ng MPD, SPD at QCPD. kung saan isa ang namatay sa Maynila. (Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)