TULAD ng isang normal na tao, noong Disyembre 29, kumaripas sa takot si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa matapos umusok ang “De Lima” na hawak-hawak niya sa harap ng media people. Kasama ni Gen. Bato ang mga pulis at reporter sa ginawang inspeksiyon sa mga tindahan ng paputok sa Bulacan nang biglang umusok ang “Goodbye De Lima”, isang uri ng firecracker na ipinagbabawal. Kumaripas ang maskuladong hepe ng PNP sa takot na masabugan ng “De Lima” na hindi naman pumutok.

Hagalpakan ang mga pulis at mga peryodista sa nangyari. Inamin niyang natakot siya dahil sa pag-usok ng “De Lima” na kapangalan ni Sen. Leila de Lima, mahigpit na kritiko ni Mano Digong, na malimit banatan ng pangulo bilang New Bilibid Prison (NBP) drug queen at isang immoral na babae. “Hindi ko malaman kung ito’y isang masamang palatandaan (omen), ngunit ang mahalaga ay walang nasaktan,” pagbibiro pa ni Bato.

Tiyak na papalitan na ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang DFA Secretary si Perfecto Yasay sa kalagitnaan ng 2017. Si Cayetano ang katambal ni Du30 noong May 2016 election. Hindi siya natangay ng popularidad ng ex- Davao City Mayor na nilampaso ang mga kalaban sa panguluhan.

Humanga ang mga tao sa performance noon ni Sen. Alan, kasama sina Senate Pres. Koko Pimentel at Sen. Antonio Trillanes, kaugnay ng Senate hearings na nag-iimbestiga sa mga anomalya umano ni ex-Vice Pres. Jojo Binay. Humanga ang mga tao sa galing at husay ni Cayetano sa pagtatanong sa resource persons sa Binay anomaly case. Gayunman, nawalan ng gana ang mga mamamayan, ayon sa mga report, dahil parang naging “lackey” siya ni PRRD gayong siya ay magaling na abogado at senador na ang kinikilingan ay katotohanan at katarungan at hindi ang waring walang habas na pagpatay, pagmumura ng pangulo.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Alam ba ninyong ang tunay na dahilan kung bakit binawalan ni Mano Digong si Vice President Leni Robredo na dumalo pa sa cabinet meetings sa Malacañang ay bunsod umano ng pagdalo nito sa mga demonstrasyon na nananawagan sa pagpapatalsik sa kanya? Ang mga demo ay kontra sa pagpayag ni Du30 na maihimlay ang bangkay ng diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sinabi ng pangulo na hindi maganda at katanggap-tanggap na kaharap niya si beautiful Leni sa cabinet meeting gayong siya ay dumadalo sa mga rally na ang layunin ay matanggal siya sa puwesto. Ang nasa likod umano ng mga demo at... rally ay mga “dilawan” na hindi matanggap ang kanilang pagkatalo (sore losers). Ang dilawan ay patungkol sa Liberal Party na ang kandidato noon ay si Mar Roxas.

Alam ba ninyong nagbago na naman ng tono at pahayag si President Rody tungkol sa sinabi niya kamakailan na isang kidnapper ang inihulog niya mula sa helicopter noong siya pa ang mayor ng Davao City? Sa interview sa kanya kamakailan, ipinahiwatig niyang nagbibiro lang siya nang sabihin niyang hinulog niya ang kidnapper sa dagat. Dagdag pa niya:”Kung totoo man ito, hindi ko ito aaminin.” Ito kaya ay panibagong hyperbole? (Bert de Guzman)