UNITED NATIONS (AP) — Winakasan ni Ban Ki-moon ang kanyang 10 taong pamumuno sa United Nations na malungkot dahil sa patuloy na mga digmaan mula sa Syria hanggang sa South Sudan ngunit pinasigla rin ng pagkakasundo ng mundo para labanan ang climate change at ng mga bagong UN goal para labanan ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa kanyang pamumuno sa United Nations sa farewell news conference nitong Disyembre, sinabi ni Ban sa mamamahayag na “this has been a decade of unceasing test.”
Nasaksihan man niya ang sama-samang pagkilos upang maiangat ang buhay ng milyun-milyong katao, nagpahayag si Ban ng pagkadismaya sa kabiguang mawakasan ang digmaan sa Syria, kaguluhan sa South Sudan, Yemen, Central African Republic at Congo, at iba pang lugar.
Kahit na nilisan na niya ang UN, sinabi ni Ban na patuloy niyang hihimukin ang ang mga bago at matagal nang lider na yakapin ang “pre-eminent 21st century fact” — na “international cooperation remains the path to a more peaceful and prosperous world” — at ipakita ang “compassionate leadership.”
Nang maupong secretary-general ang dating South Korean foreign minister kapalit ni Kofi Annan sa pagsisimula ng 2007, nangako siya na ang kanyang panahon ay mamarkahan ng “ ceaseless efforts to build bridges and close divides.”
Sa kanyang unang termino, pinuri siya sa pagtulong na maging prayoridad ng mundo ang climate change, sa paglikha ng UN Women upang pagtuunan ang laban para sa gender equality, at pagdedepensa sa mga demonstrador sa Tunisia at iba pang mga bansa na umalsa sa tinaguriang Arab Spring.
Sa kanyang ikalawang termino, ang muli niyang pagkampanya para sa bagong global climate deal ay nagtapos sa December 2015 Paris agreement. Nakumbinsi niya ang lahat ng 193 miyembrong bansa na pumayag sa 17 bagong adhikain ng UN at 169 target para labanan ang kahirapan, matamo ang gender equality, protektahan ang kapaligiran at matiyak ang mabuting pamamahala pagsapit ng 2030. Siya ang unang nanawagan na wakasan ang giyera sa Syria at sinuportahan ang gay rights sa kabila ng pagtutol ng maraming bansa.
Ang workaholic na si Ban ay mas maraming naging biyahe kaysa sino man sa kanyang mga sinundan para sa UN. Naniniwala siya na mahalaga ang face-to-face meetings sa mga lider ng mundo upang makuha ang suporta para mawakasan ang mga iringan o maisulong ang pagkilos sa mga isyu gaya ng climate change at paglaban sa kahirapan.
Sinabi ni French Ambassador to UN Francois Delattre, na higit na kahanga-hanga sa lahat ng katangian ni Ban ang kanyang kababaang-loob.
“The world owes him a lot, both as a man whose commitment to common good is second to none and as a leader whose secret weapon is a genuine respect for others — the best tool for real leadership,” ani Delattre.