ISTANBUL (AFP) — Tatlumpu’t siyam na katao, kabilang ang mga dayuhan, ang pinatay ng isang armado na nagbihis Santa Claus sa kanyang pagsugod sa isang night club sa Istanbul habang masayang ipinagdiriwang ang Bagong Taon.
Binaril ng armado ang isang pulis at isang sibilyan sa entrance ng Reina club, isa sa mga kilalang night club dito, at saka walang habas na namaril sa loob, ayon sa Turkish official.
Ayon kay Interior Minister Suleyman Soylu, mabilis na tumakas ang suspek at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.
Sinabi ni Soylu sa telebisyon na 21 sa mga biktima ang nakilala na -- 16 ay banyaga at lima ang Turks. Habang 69 na iba pa ay ginagamot sa ospital.
“The attacker -- in the most brutal and merciless way -- targeted innocent people who had only come here to celebrate the New Year and have fun,” pahayag ni Istanbul governor Vasip Sahin.
Ayon sa Dogan news agency, may dalawang armado ang nagbihis Santa Claus, ngunit patuloy pa itong kinukumpirma.
Sinabi ni Sahin na nagsimula ang pag-atake dakong 1:15 ng umaga kahapon (2215 GMT), matapos salubungin ang taong 2017 sa nasabing club sa Ortakoy district.
“What happened today is a terror attack,” aniya.
Iniulat din ng Dogan na ilang saksi ang nagsabi na ang mga suspek ay nagsasalita ng Arabic.