Sa loob ng bilangguan nagdiwang ng Bagong Taon ang isang bagitong pulis matapos siyang arestuhin ng mga kapwa niya pulis dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Station 1, nagpapatrulya sina PO1 Rommel Sulat at PO1 Pius Owen Canlas sa kahabaan ng Benita Street, Barangay 179, Gagalangin, Tondo nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril dakong 11:56 ng gabi, ilang minuto bago sumapit ang Bagong Taon.

Iniradyo nina Sulat at Canlas kay MPD-Station 1 commander Police Supt. Robert Domingo ang insidente kaya kaagad nitong iniutos na arestuhin ang responsable sa pagpapaputok ng baril.

Pagliko sa kalsada, sinalubong sila ng isang residente at itinuro si PO1 Daniel Castillo, 29, ng Welfareville Compound, Mandaluyong City at nakatalaga sa Gagalangin Police Community Precinct, na noon ay hawak pa ang kanyang baril na ginamit sa pagpapaputok.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Mapayapa namang sumama ang pulis sa kanyang mga kasamahan.

Nakatikim naman ng maaanghang na salita ang mga tauhan ni Domingo at kaagad dinisarmahan at ikinulong ang si Castillo.

Nakatakda ring sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang suspek. (Mary Ann Santiago)