romero-copy

AGAD na mag-iinit ang mundo ng sports sa unang linggo ng 2017 kung saan matapos magisa sa Senado ay tatahakin naman ng liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) ang kalbaryo para magpaliwanag sa mga akusasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ay dahil sa isinampa na isang resolusyon sa House of Representatives na magtatakda sa pag-iimbestiga sa kuwestiyonableng pamamahala ng POC at pag-abuso ng kapangyarihan ng mga opisyal hinggil sa nakukuhang pondo at pagkontrol nito sa pribadong organisasyon.

Inaasahang sisimulan sa pagpasok ng taon ang pagbasa sa Resolution 579 na nagtatadhana na imbestigahan ang POC matapos ipasa sa kapulungan nina Ang Edukasyon party-list Representatives Salvador Belaro Jr. at Ron Salo na mula sa Kabayan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ipinaliwanag naman ni Congressman Mikee Romero ng 1-Pacman, vice chairman ng committee on youth and sports development, na inaasahang maisasagawa ang hearings sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa kaagahan ng Enero.

“From ranking first in the most number of medals in the Southeast Asian Games in 2005 (112 gold medals, 84 silver medals and 94 bronze medals), the Philippines now ranks sixth. In the Asian Games, the country ranked 18th in 2006; it is now in 24th,” nakasaad sa resolusyon.

Idinagdag nina Belaro at Salo sa kanilang house resolution na ang maling pamamahala ng mga opisyales ng POC ang dahilan sa nakakadismayang resulta ng bansa sa paglahok nito sa iba’t-ibang internasyonal na torneo.

Isa naman sa kritiko ng POC si Romero, na dating naging pangulo ng Philippine National Shooting Association (PNSA), kung saan una na nitong hiniling ang pagbibitiw ni Cojuangco Jr. sa puwesto upang bigyang daan ang pag-upo ng mas batang lider sa sports.

Una nang nagsagawa ang Senado ng imbestigasyon nito sa POC matapos na lumutang ang mga record sa ginamit nitong pondo sa gobyerno na hindi pa nito naipapaliwanag pati na rin sa kontrobersiya hinggil sa kuwestiyonableng proseso nito sa halalan ng asosasyon.

Idinahilan din ng dalawang kongresista na sa 12 taon na pamumuno ni Cojuangco ay isang medalya lamang ang nakuha ng bansa sa nakaraang Rio De Janeiro Olympic Games.

Bagaman naging punto ng kritisismo ay muling nagawa ni Cojuangco ang panibagong apat na taong termino mula sa mga miyembrong national sports associations (NSA’s) matapos makamit ang kailangang boto matapos naman madiskuwalipika ang dapat sanang kalaban nito na si Ricky Vargas ng boxing. (Angie Oredo)