ANG pagsapit at pagsalubong sa Bagong Taon ay muling inihudyat ng masayang repeke ng mga kampana, ingay ng mga torotot, pagkalampag sa mga takip ng kaldero at batya, sagitsit ng mga lusis at kuwitis, malakas at nakabibinging mga putok ng iba’t ibang uri ng pyrotechnics. At ng fireworks display sa iba’t ibang bayan, lungsod at mga barangay sa lalawigan. Ang paglikha ng ingay, sa paniwala ng iba nating kababayan, ay hudyat ng paghahangad ng masaganang buhay at magandang kapalaran o suwerte. Isang bagong pag-asa at isang bagong pagkakataon. Ngunit sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi naiiwasan na may sunog, mga nasaktan, biktima ng mga paputok at tama ng ligaw na bala ng baril. Dinala sa ospital at ginamot. Isang mukha at tanawin sa iniibig nating Pilipinas sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang Bagong Taon ay sinalubong ng marami nating kababayan sa pagdalo ng misa na idinaos sa kani-kanilang Simbahan.
Naniniwala na ang pagsisimba bago sumapit ang Bagong Taon ay isang magandang paraan ng pagsalubong at pagkakataon upang magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap sa lumipas na taon. Taglay din sa puso at damdamin ang pananalig at pag-asa na magiging mapayapa at masagana ang buhay na lalakbayin kasama ang panalangin at paghingi ng patnubay sa Poong Maykapal. Pagkatapos, maraming pamilyang Pilipino ang masayang nagsalu-salo sa niluto at inihandang mga pagkain at prutas sa Media Noche.
Sa pagsapit ng Bagong Taon, isang paraan at kaugalian ang paggawa ng mga resolution o mga pangako. Ito’y ang pagbabago ng ugali at iba pang kamaliang hindi na uulitin o muling gagawin. Magbabago na magiging karapat-dapat sa kapwa tao at maganda sa mata ng Dakilang Lumikha.
Tuwing Bagong Taon, marami tayong kababayan; magkakapamilya at magkakamag-anak ang nagdaraos ng mga reunion at salu-salo. Isa sa pangunahing layunin ay lalong pagtibayin ang pagkakabuklod ng mga pamilya, ng angkan at makilala ang mga nadagdag na kamag-anak. At magkasundo ang mga nagkaroon ng tampuhan.
Sa buhay naman ng mga dalaga at binata, ang Bagong Taon ay isang magandang okasyon na ang matagal nang iniluluhog na pag-ibig ng binatang nanliligaw ay magkaroon na ng liwanag. Ngunit kung minsan, hindi rin ito nangyayari sapagkat may mga dalagang pakipot pa rin sa pagsagot ng matamis na OO sa kanilang mangingibig o suitor. At sa mga tumatandang dalaga naman, ang Bagong Taon ay pagkakataon din na sagutin na ang kanilang manliligaw. Kapag sinagot, tiyak, kasunod na ang schedule ng kanilang kasal. Ngunit... kapag nagpakipot pa ang mga tumatandang dalaga, baka wala nang manligaw sa kanila hanggang sa maging menopause na sila.
Ang Bagong Taon ay laging inilalarawan na parang isang bagong silang na sanggol. Ito’y nangangahulugan na hindi natitiyak ang magiging buhay-kapalaran sa panahong lalakbayin sa loob ng isang taon. Kasingkahulugan ito ng mga taludtod ng tula ni Francisco Balagtas sa kanyang ‘Florante at Laura’: Datapuwat sino ang tatarok kaya/ sa mahal mong lihim Diyos na Dakila/ walang pangyayari sa balat ng lupa’ ay may kagalingang iyong ninanasa.
Ang paglipas at pagsapit ng Bagong Taon ay bahagi na ng ating buhay. Hindi nalilimutang ipagdiwang ng buong mundo. Sa iba’t ibang paraan. Sa paghahanda at pagsalubong sa Bagong Taon, naroon palagi ang bagong pag-asa, pagkakataon, pananalig at pananaw sa buhay. (Clemen Bautista)