Ipinagmalaki ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na walang sundalong nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Idineklara ni Padill na “generally peaceful” ang pagsalubong ng 2017 sa hanay ng AFP.

Sinabi ni Padilla na walang silang naitalang seryosong paglabag sa mga kautusan at alituntunin na inilabas ni AFP chief Lt. Gen. Eduardo Año kaugnay sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon kay Padilla, dala marahil sa mahigpit na kautusan ni Año sa mga sundalo na anumang paglabag sa mga alituntunin ay magreresulta sa pagkakasibak sa serbisyo.

Cielo Magno, bet masilip Blue Ribbon Committee report na ayaw pirmahan ni Sen. Robin Padilla

350 NAPUTUKAN

Umabot naman sa 350 katao ang nasugatan dahil sa paputok, iniulat ng Department of Health kahapon.

Ang bilang na ito ay 34 na porsiyentong mas mababa kaysa nakaraang taon.

PULIS MASISIBAK

Iniulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na isang pulis ang posibleng masibak sa serbisyo makaraang mahuling nagpaputok ng baril sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang suspek na si PO1 Daniel Castillo, 29, nakatalaga sa Tondo Police Station 1.

Ayon kay Albayalde, posibleng masibak sa puwesto si Castillo at maharap sa criminal charges dahil sa paglabag sa kautusan ni PNP Chief Ronald Dela Rosa hinggil sa indiscriminate firing.

LIGAW NA BALA

Isang binatilyo ang tinamaan ng ligaw na bala sa dibdib habang nanonood ng fireworks dakong 12:00 ng hatinggabi sa Batasan Hills.

Kinilala ni QCPD Director P/chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang biktima na si Leo Mar Aquino, 16, ng Barangay Batasan, Quezon City, at ngayon ay nakaratay sa East Avenue Medical Center, ng lungsod.

Kaugnay nito, nanawagan ang QCPD sa publiko na agad ipaalam sa pulisya ang anumang impormasyon kaugnay sa mga nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa ngayon, batay sa tala na inilabas ni Albayalde, mayroon nang tatlong biktima sa kaso ng ligaw na bala sa NCR.

(Jun Fabon at Fer Taboy)