NAGTUNGO nitong Martes sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at United States President Barack Obama sa Pearl Harbor sa Honolulu, Hawaii, kung saan nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pasipiko noong 1941. Disyembre 8, 1941 nang magsagawa ng sorpresang pag-atake ang mga eroplano ng Japan sa base militar ng Amerika sa Pearl Harbor, winasak ang 20 barko at mahigit 300 eroplano na pumatay sa 2,400 katao, kabilang ang 1,000 sa USS Arizona na pinalubog sa lugar.
Sa araw ding iyon,binomba ng mga eroplano ng Japan ang Camp John Hay sa Baguio City at ang Fort Stotsenberg at Clark Air Field sa Pampanga, ang pangunahing base militar ng US Army Air Corps sa Kanlurang Pasipiko, dinurog ang napakaraming eroplanong pandigma at mga gamit sa pambobomba at pinatay ang libu-libong sundalong nangagtipon noon sa barracks.
Disyembre 8, 1941, isang “petsang habambuhay nang iuugnay sa trahedya”, nang magdeklara ng pakikidigma si US President Franklin D. Roosevelt kasabay ng pakikibahagi ng Amerika sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na bago ang Pearl Harbor ay digmaan lamang sa Europa na kinasasangkutan ng Britain at France laban sa Germany.
Ito ay 75 taon na ang nakalipas. Sa mga sumunod na taon, sinakop ng Japan ang mga bansa sa Asia, kabilang ang Pilipinas na pinamahalaan nito sa loob ng tatlong taon. Tinipon ng Amerika ang sandatahan nito, sumapi sa Allied forces na bumigo sa Nazi Germany sa Europe, at pagkatapos ay itinuon ang nalalabi nitong puwersa sa mga kauna-unahang atomic bomb sa bansa na ibinagsak sa Hiroshima at Nagasaki sa Japan na tumapos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nagtungo si President Obama sa Hiroshima sa unang bahagi ng nakalipas na taon upang makiisa sa mga seremonyang gumugunita sa pambobomba na pumatay sa 140,000 katao noong 1945, na makalipas ang ilang araw ay sinundan ng pagpapasabog ng ikalawang atomic bomb sa Nagasaki na kumitil sa buhay ng 70,000. Nang panahong iyon, hindi humingi ng paumanhin si Obama sa naging desisyon ng Amerika noon, ngunit nanawagan para sa isang mundo na malaya sa anumang nukleyar na armas sa hinaharap.
Hindi rin naman humingi ng paumanhin si Prime Minister Abe sa pambobomba ng Japan sa Pearl Harbor ngunit nagpahayag ng pakikiramay sa mga kaluluwa ng lahat na nasawi roon. Nag-alay siya at si President Obama ng mga bulaklak sa memorial na nakatayo ngayon sa ibabaw ng lumubog na USS Arizona. “Even the deepest wounds of war can give way to friendship and lasting peace,” sinabi ni President Obama.
Nakikiisa tayo rito sa Pilipinas, na bahagi ng digmaang iyon na nagsimula sa Pearl Harbor at nagtapos sa Hiroshima at Nagasaki, sa pag-asam ng kapayapaan at pagkakaibigan na gaya ng ipinanawagan nina Prime Minister Abe at President Obama nitong Martes. Sa kasalukuyan ay mayroon tayong mga sariling pinangangambahan at kawalang katiyakan, lalo na’t nag-aagawan sa teritoryo ang magkakaribal sa kapangyarihan at nagpapatalbugan ng kakayahan sa pakikidigma.
Sa mga makabagong armas na nagdudulot ng malawakang pinsala, walang panama ang karahasan at pagkawasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kung ano ang maaaring dumurog sa atin ngayon. Ngunit, gaya ng dati, dinadaig ng ating pag-asam sa kapayapaan ang ating mga pinangangambahan, lalo na sa pagsisimula natin ng bagong taon.