BAGONG pag-asa sa bagong taon.

Ang bagong liderato sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni chairman William ‘Butch’ Ramirez ay masigasig sa reporma at programa para sa mas makabuluhang kampanya ng Philippine Team sa international competition.

Sa Agosto, nakalinya ang paglahok ng Pinoy sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia. Target ng PSC na malagpasan ang ikaanim na puwestong pagtatapos sa Singapore Games may dalawang taon na ang nakalilipas.

Ngunit, bago maibaon sa limot ang kabiguan ng atletang Pinoy sa lumipas na taon, nararapat lamang na alalahanin ang paglisan ng mga itinuturing bayani sa Philippine Sports.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Malaking kawalan ang kanilang pagyao, ngunit ang mga naiwan nilang ala-ala at tagumpay ay nararapat lamang na maging gabay at inspirasyon ng kabataan, higit ng mga bagong henerasyon ng mga atleta.

Kabilang sa karapat-dapat na balakin ang kontribusyon nina basketball legend Carlos ‘Caloy’ Loyzaga, baseball icon Filomeno ‘Boy’ Codinera at coaching great Virgilio ‘Baby’ Dalupan.

Sa kanilang kapanuhan, nakilala ang bansa sa kanilang kahusayan, talino at katatagan.

Ang tinaguriang icon sa basketball na si Loyzaga ay kabilang sa RP Team na huling naglaro at kinilala ng mundo sa Olympics nang makasabak sila sa Berlin noong 1936.

Nakaukit naman sa Rizal diamond field ang pangalan ni Codinera kahanay ang mga pamosong baseball player tulad ni Baby Ruth dahil sa naitalang home run sa kanilang career.

Higit pa sa hidwaan ng Crispa at Toyota sa dekada 70 hanggang 80 ang pangalan ni Dalupan – ang arkitekto sa kauna-unahang Grandslam title sa PBA.

Nahigitan man ni coach Tim Cone ang dami ng kampeonato na napagwagihan ni Dalupan sa PBA, mananatili siyang ‘Maestro’ sa Philippine basketball.

Nararapat din ang dalangin at pasasalamat sa kontribusyon ng iba pang sports personality na lumisan sa taong 2016 tulad nina pro basketball player Gilbert Bulawan, sports official Cecil Hechanova at sports broadcaster Ronnie Nathanielz. (Edwin Rollon)