SAAN aabot ang iyong P500? Kung inaakala mong hindi ito sasapat para makapag-travel at makapag-enjoy, nagkakamali ka. Dahil sa halagang ito, masisilayan mo ang isa sa pinakamagandang tanawin sa Pilipinas.
Dalawang oras mula sa Metro Manila, matatagpuan ang Mt. Batolusong sa Tanay, Rizal na bahagi ng southern tail end ng Sierra Madre. Madalas itong dinarayo ng mga taga-siyudad dahil napakalapit lamang sa Manila.
Naging tanyag ang bundok na ito dahil sa nakabibighaning sea of clouds tulad ng makikita sa Mt. Pulag kapag narating na ang tuktok nito.
Gayunman, mailap ang sea of clouds lalo na kung tag-ulan. Sa aming pag-akyat sa Mt. Matolusong nitong nakaraang Biyernes, nabigo kaming makita ang sea of clouds dahil sa biglaang pag-ulan.
Pero bukod sa sea of clouds, dinarayo rin sa Mt. Batolusong ang napakagiliw na pagtanggap ng mga taga-Bgy. San Andres na nakasasakop sa bundok. Lahat ay buong suyong bumabati sa amin habang kami ay naglalakad paakyat. May ilan pang nagpalakas ng loob namin kapag nakikita nilang pagod na pagod na kami.
Higit sa lahat, napakaganda at exciting ang trail ng Mt. Batolusong. May madadaanang sapa, kuweba, may patag, may mabatong bahagi na kailangang akyatin, at may matarik na parte na maaari kang mahulog sa bangin kapag nagkamali ka ng hakbang.
BAGAY SA MGA BAGUHAN
Gayunpaman, kayang-kayang ito ng mga newbie o first timer na gustong masubukan ang hiking. Ayon sa pinoymountaineer.com, sa puntos na siyam bilang pinakamahirap, ang antas nito ay 3/9 lamang. Aabutin ng tatlong oras ang paglalakad hanggang sa summit, ngunit depende pa rin kung gaano ka kabilis umakyat.
Makikita mula sa tuktok ng Mt. Batolusong ang kamangha-manghang tanawin ng Sierra Madre, Quezon Province, at Rizal na papawi sa lahat ng pagod sa pag-akyat. Sa pagbaba madadaanan ang isang kuweba na maaaring pagliguan ang napakalamig na tubig.
Angkop ang Mt. Batolusong bilang panimulang hakbang ng mga taong nais maging mountain hiker. Hindi rin lang pansariling kasiyahan ang maibibigay ng adventure dahil makatutulong ka rin sa mga lokal na nagsisilbing mga tour guide sa Mt. Batolusong dahil ito na ang kanilang hanapbuhay.
PAANO PUNTAHAN?
Mula sa Cubao o sa LRT Santolan, sasakay ka ng jeep papuntang Cogeo Gate 2 (P24). Pagdating sa Cogeo Gate 2, sasakay ka uli ng jeep papuntang Bgy. Sampaloc at magpapababa sa Batangasan (P42). Pagbaba sa Batangasan, sasakay ka naman ng tricycle patungong registration site ng Mt. Batolusong (P30).
Bukod sa pamasahe, may babayaran ding P500 para sa tour guide (apat kada grupo, kaya P125 kada isa) at P40 para sa registration fee.
Sa kabuuan, wala pang P500 kung susumahin ang gastos sa pamasahe, guide fee, at registration fee. Sa aming pag-akyat nakagastos kami ng P500, kasama na ang binili naming mga pagkain.
Hindi kailangang mabutas ang bulsa para makita ang kagandahan ng Pilipinas. Tamang pagba-budget, pag-iipon at pananaliksik lamang para makaiwas sa malaking gastusin habang nagta-travel.
Ang mga newbie sa pag-akyat ng bundok ay pinapayuhang ihanda muna ang katawan para rito. Hindi birong umakyat ng bundok kaya mas maganda pa rin na mag-ehersisyo o mag-jogging muna bago subukan ito.
Tunay talaga na It’s More Fun in the Philippines!
(AIRAMAE A. GUERRER0 Mga larawan kuha nina Ivy Gruezo at Crystal Villanueva)