Sisiyasatin na rin ng Maritime Industry Authority (Marina) ang paglubog ng tanker na MV Starlite Atlantic sa Batangas Bay nang manalasa ang Bagyong Nina noong isang linggo.
Ayon kay Menchu Calvez, kapatid ng nawawalang engine cadet na si Nicanor Calvez ng Barangay Agdahon, Passi City, dumulog na ang kanilang pamilya sa Marina central office para ireklamo ang umano’y kapabayaan ng Starlite Ferries Inc.
Sinabi ni Calvez na nangako ang ahensiya na bibigyan ng hustisya ang mga pamilya kung mayroon mang kakulangan at dapat panagutan ang Starlite Ferries, ang may-ari ng Starlite Atlantic.
Napag-alaman na pagmamay-ari ng pamilya ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi ang nasabing kumpanya.
Isinalaysay naman sa panayam pa rin ng Bombo Radyo ng survivor at deck cadet na si Airon Barrera ng Kalibo, Aklan, kung paano hinagupit ng bagyo ang barko. (Beth Camia)