IKINALULUNGKOT daw ni Pangulong Digong na sa inilunsad niyang operasyon laban sa ilegal na droga, may mga inosenteng sibilyan na napapatay. Hindi aniya ito maiwasan dahil sa digmaan laging may nadidisgrasya. Sa totoo lang, hindi naman digmaan ang nangyayari. Kamay na bakal ang ginagamit sa paglunas ng problema. Tayo ay demokratikong bansa, kaya ang gobyerno natin ay gobyerno ng batas, hindi ng tao. Ang problema sa gobyernong pinatatakbo ni Pangulong Digong, sa pagsugpo niya ng ilegal na droga, isinantabi niya ang proseso ng batas at ipinalit niya ang kanyang sariling disposisyon. Hindi na niya pinanagot sa batas ang inaakusahan niyang mga sangkot sa ilegal na droga kundi pinanagot niya ang mga ito sa kanyang sarili. “Don’t destroy my country, I will kill you. Don’t destroy the youth, I will kill you.” Ito ang kanyang katwiran sa walang patumanggang pagpatay ng mga awtoridad sa mga ito ayon sa tangan nilang impormasyon laban sa kanila.

Kamuhi-muhi kay Pangulong Digong ang human rights at due process. Nagpapantig ang kanyang taynga kapag narinig niya ang mga ito. Paglait at malaswang salita ang maririnig mo sa kanya laban sa mga taong kinariringgan niya nito. Pero, ang mga batayang prinsipyong ito ay siyang naghihiwalay sa tao at hayop, sa sibilisadong lipunan at gubat. Kapag niyurakan mo at hindi iginalang ang mga prinsipyong ito, tulad ng ginagawa ni Pangulong Digong sa kanyang kampanya laban sa droga, pinawi mo ang linya sa pagitan ng tao at hayop, ng sibilisadong lipunan at gubat. Ang mananaig ay ang katwiran ng lakas at hindi ang lakas ng katwiran.

Na siyang nangyayari ngayon sa ating bansa na mistulang gubat na. Makailan beses na nating narinig sa mga humahagugol na ina na ang kanilang anak ay binaril na parang hayop. “Mahirap lang kami,” umiiyak na isinigaw ni Isabelita Espinosa “kaya pinatay ang aking anak na walang kasalanan,”. Ang anak niya ay isa sa limang kabataang niratrat ng mga pulis sa loob ng bahay sa Caloocan upang masiguro nila na napatay nila ang kanilang talagang hinahanap. Dampa man at marangyang tahanan ay walang pinag-iba sa proteksiyong ibinibigay ng batas sa kanila. Hindi basta-bastang pinapasok ang mga ito ng kahit sino, kahit ito ay si Pangulong Digong, nang hindi naaayon sa batas. Pero, dahil ginawa na ngang gubat ang ating bansa na wala nang iginagalang na karapatan ng tao sa hangaring masugpo ang ilegal na droga, puwersahang pinapasok ng mga pulis sa dis-oras ng gabi ang barung-barong ng mga mahirap at pinapaslang sila habang natutulog kapiling ang kanilang pamilya. Hinahabol at kanilang binabaril ang sa akala nila ay sangkot sa... droga, pero sa proseso, ang kanilang bala ay naliligaw at ang pinapatay ay ang mga inosente. Ganito ang nangyari kay Kristine Joy sa Biñan, Laguna na habang hinihintay magsimula ang simbang gabi ay tinamaan ng balang inilaan ng mga pulis sa kanilang hinahabol. Hindi lang dapat malungkot ang Pangulo sa mga nadidisgrasya ng kanyang kampanya laban sa droga, kundi dapat siyang magsisi at tigilan na ang inumpisahan niyang kaguluhan sa ating bansa. (Ric Valmonte)
Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Paano hahanapin ang katahimikan kung sarili ang kalaban araw-araw?