PINAG-UUSAPAN kahit saang sulok ng Pilipinas, lalo na ng mga netizen, ang pumutok na balita hinggil sa pagkakatimbog ng mga big-time drug lord na nakumpiskahan ng halos isang toneladang shabu at iba pang droga, ngunit bakit daw buhay na buhay pa ang mga naarestong suspek? ‘Di kasi mapigil na ihambing ito sa halos araw-araw na operasyon laban sa mga pipitsuging tulak at durugista na nakumpiskahan ng isa hanggang tatlong pakete ng umano’y shabu ay sinasabing “napatay” na kasi nanlaban sa mga pulis na huhuli sana sa kanila.
Sa umpukan ng mga tricycle driver sa isang lugar sa Quezon City, ito ang paksang kanilang pinag-uusapan nang matiyempuhan ko noong Sabado ng hapon. Sabi nung medyo may edad na sa kanila—mali raw ang sistemang ‘yung mga yagit na adik at tulak ng ilegal na droga ang agad na pinagtututumba ng mga pulis na para bang ang solusyon ay ubusin ang lahi ng mga ito. Ang susog pa niya, ang dapat daw na tagpasin ay ‘yung pinakapuno, ‘yung malapit sa ugat, para siguradong ‘di na ito yayabong pang muli, na gaya ng isang puno at halaman na habang binabawasan mo ang mga sanga ay lalong lumalago.
Ang problema raw kasi ay parang takot ang mga awtoridad na banggain yung mga big-time drug lord gaya nang pag-ubos naman na ginagawa nila laban sa mga yagit na user at pusher na sa pinakahuling bilang nga sa ngayon ay halos aabot na sa 6,000—kalahati halos nito ay natumba sa operasyon mismo ng mga pulis at ‘yung natitira ay ikinakabit nila sa tinatawag nilang labanan ng magkakumpitensiyang mga pusher at drug lord. Pero para naman sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang lahat ng ito ay mga biktima ng “extrajudicial killings” o EJK.
‘Di ko mapigil na sumabat sa kanilang usapan, at ito naman ang aking pananaw—‘yung mga yagit, yagit nga eh, wala silang pera, kaya siguradong tigok sila lalo na ‘pag positibo silang tulak at user. Itong mga big-time drug lord, mga tumbahin na rin talaga ang mga ito, ngunit dahil nga sa marami silang pera, binibili nila ang kanilang buhay sa malaking halaga –... buhay sila ngunit may kulong nga lang – na nagustuhan na rin nila kinalaunan dahil nagagawa nilang ituloy ang ligaya sa loob ng kanilang mga “personalized” na selda.
Noon daw ‘yun. Noong panahon ni DE5, nang magkaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang pinuno ng New Bilibid Prison (NBP) at nakakulong na mga drug lord— na hindi na raw mangyayari sa ilalim ng pamumuno ni Bureau of Correction Dir. Gen. Benjamin “Kidlat” delos Santos. Harinawa!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)