Pitong katao ang inaresto, kabilang ang dalawang menor de edad, sa magkahiwalay na drug operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Sa report kay Police Sr. Supt. John Chua, hepe ng Malabon Police, kinilala ang mga naaresto na sina Pamela Tanghal, 22; Neptalie Paller, 30; Emson de Ocampo, 42; Joshua Teodoro, 26; Beejay De Guzman, 35; Luisito Sapalong, 47 at dalawa pa, kapwa 15-anyos.

Base sa ulat, dakong 8:30 ng gabi, nagsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) sa kahabaan ng Gabriel Street, Barangay Tonsuya, Malabon City.

Nilusob ng mga ito ang bahay, nagsisilbi umanong drug den, ni De Ocampo sa nasabing lugar, at nahuli sa aktong bumabatak ng shabu ang mga suspek.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasamsam sa kanila ang isang plastic sachet na may lamang shabu at mga drug paraphernalia.

Samantala, dakong 10:00 ng gabi, inaresto si Sapalong sa No. 14 Encarnacion St., Bgy. Niuguan, Malabon City matapos makuhanan ng limang sachet ng shabu.

Inaresto naman sa Mabolo St., Bgy. Santulan ang dalawang menor de edad nang makumpiskahan ng isang plastic sachet ng shabu. (Orly L. Barcala)