Limang bahay ang nilamon ng apoy na sanhi umano ng pinaputok na kuwitis sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Manila Fire Department Chief Insp. Marvin Carbonel, bago mag-12:00 ng hatinggabi nangyari ang sunog nang magsimula na ang putukan sa Dagupan Street dahil sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa pahayag ng mga saksi, isang kuwitis ang aksidenteng bumagsak sa isa sa mga bahay at tuluyang nagliyab hanggang sa unti-unting kumalat sa kalapit na mga bahay.
Kabilang sa mga natupok ang dalawang ancestral house na parehong gawa sa light materials.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 12:24 ng madaling araw.
Wala iniulat na nasawi o nasugatan sa sunog na tumupok sa P2 milyong halaga ng ari-arian. (MARY ANN SANTIAGO)