Sinalubong ng masayang iyak ng bagong silang na sanggol ang 2017 ng limang ina sa bansa. Sila ang mga tinaguriang “New Year Babies”, na isinilang kasabay ng pagpatak ng 12:00 ng hatinggabi, sa unang araw ng Bagong Taon.
Isang babae at isang lalaking sanggol ang ipinanganak sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.
Ayon kay Dr. Rica Ching, OB Gynecologist ng pagamutan, ang kapwa malusog ang mga bagong silang na sanggol at kanilang mga ina.
Normal delivery isinilang si Shamah Jane Bolon ng kanyang inang si Mary Rose.
Nagsilang naman ng lalaki, sa pamamagitan ng ceasarian section, si Noraiza Eson.
Ayon kay Bolon, hindi niya inasahang hahabol sa Bagong Taon ang kanyang panganganak dahil sa Enero 8 pa ang kanyang due date. Gayunman, dakong 9:00 ng gabi nitong Sabado ay biglang sumakit ang kanyang tiyan at inabot ng dalawang oras bago lumabas ang bata. Samantala, sa Albay, tatlong sanggol ang isinilang sa isang ospital sa Ligao City, pagpatak ng 12:00 ng hatinggabi.
Inihayag ni Edgar Salarson, nurse sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital, dalawang babae at isang lalaking sanggol ang ipinanganak kasabay ng pagpalit ng taon.
Base sa Chinese Zodiac, ang taong 2017 ay year of the Fire Rooster. (MARY ANN SANTIAGO at BETH CAMIA)