Hindi na nakapagdiwang ng Bagong Taon ang isang obrero matapos siyang pagbabarilin ng isang lalaki na kanya umanong sinita at sinigawan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Patay na nang isugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Oliver Bouyaban, 27, binata, construction worker, at residente ng 1222 Kasipagan Street, sa Tondo dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Michael”, nakasuot ng bull cap, puting jacket, at face mask, gayundin ang kanyang kasabwat na nagmaneho ng get-away motorcycle na Yamaha Mio, at nakasuot ng full-faced crash helmet.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)-Crime Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 1:20 ng madaling araw nangyari ang krimen, sa labas ng bahay ni Oliver.
Nauna rito, naglalaro umano ng pool si Oliver nang dumating si Michael na sakay sa kanyang bisikleta at nang makita ng una ay pasigaw umanong sinabi, “Michael, kilala na kita!” at tuluyan itong umalis sa lugar.
Hindi nagtagal ay bumalik si Michael at nilapitan si Oliver at saka pinaputukan sa ulo, apat na beses sa kaliwang dibdib at isa sa braso.
Matapos ang pamamaril ay tumakbo na si Michael sa naghihintay na motorsiklo at humarurot sa Ortega Street at Kagitingan Street. (Mary Ann Santiago)