NAIS kong batiin ang ating mga kababayan at nagbabasa ng kolum na ito ng isang “Masaya at Mapayapang Bagong Taon”.
Hangad kong maging masaya at mapayapa ang pagdating ng Bagong Taon kapiling ang inyong pamilya at mga mahal sa buhay.
Paalam 2016, pahalik naman sa iyo ngayong kami ay iiwanan mo upang bigyang-daan ang pagsilang ng 2017 na inaasahan naming magdudulot ng bagong pag-asa, bagong buhay, at hindi araw-araw na kamatayan bunsod ng giyera sa ilegal na droga.
Kahapon ay ipinagdiwang din ng sambayanang Pilipino ang ika-120 taong kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal na nagsabing “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Sa katwirang sinisira ng ilegal na droga (shabu) ang utak at kinabukasan ng mga kabataan, ipinangako ni President Rodrigo Roa Duterte na hindi siya titigil sa pagpuksa sa illegal drugs at pagpapatumba sa mga drug pusher at user hanggang siya ang pangulo sa loob ng anim na taon. Eh, papaano naman ang mga big-time supplier ng shabu at drug lord? Tandaan na walang pushers o users sa kalye, lansangan at mahihirap na lugar kung walang shabu na ipinamamahagi ang mayayamang supplier.
Talagang kahanga-hanga ang mga Pilipino na hindi nawawalan ng pag-asa (hope) sa kabila ng kalamidad, krisis, kabiguan at sa araw-araw na kamatayan bunsod ng drug war ni Mano Digong. Sa huling SWS survey, karamihan sa kanila ay sasalubungin ang Bagong Taon (2017) na puno ng pag-asa. Sa survey noong Disyembre 3-6, 2016, 95 porsiyento ng adult Filipino ay sasalubong sa 2017 na mayroong PAG-ASA sa halip ng takot at pangamba.
Nakikiusap si Gen. Bato sa mga may-ari ng baril na maging disiplinado at huwag magpaputok sa New Year dahil maraming nadidisgrasya sa ligaw na bala. Mahigpit din ang babala ni Bato sa mga tauhan ng PNP na iwasang magpaputok. Hindi na niya pinaselyuhan pa ang bunganga ng mga baril upang patunayan na may tiwala siya at ang taumbayan sa mga pulis kaugnay ng selebrsyon ng Bagong Taon.
Ayon kay PNP Firearms and Explosives Office (FEO) Director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, may 880,000 lisensiyadong gun owner at 1.7 milyong licensed firearms sa bansa hanggang nitong Hulyo, 2016. Nananawagan si Gen. Bato sa mga barangay captain at tanod na tumulong sa mga pulis sa pagpapatrulya ngayong Bagong Taon. Sana ay hindi sa pagpatay nang walang laban sa pinaghihinalaang pushers at users.
Magtatayo raw si President Rody ng bagong relihiyon na tatawagin niyang IGLESIA NI DUTERTE. Muling niyang binanatan ang Simbahang Katoliko dahil sa pagiging kritikal nito sa kanyang drug war na nagreresulta sa EJK (extrajudicial killings) at HRVs (human rights violations). Mula sa Davao City, binira niya ang mga pari at sinabihan ang mga Pinoy na huwag maniwala sa kanila at sa halip ay umanib sa itatayo niyang relihiyong Iglesia ni Duterte.
Ayon kay PDu30, ang relihiyon niya ay walang pagbabawal sa isang lalaki na magkaroon ng hanggang limang asawa.
Dunggol ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko:”Eh, papaano naman ang mga babae? Sila ba ay pahihintulutan ding makapag-asawa ng hanggang limang lalaki?”. Muling sumiklab ang galit ni PRRD sa Catholic Church dahil naglunsad ng photo exhibits ang CBCP at iba pang mga simbahan, kabilang ang Baclaran Redemptorist Church, na nagpapakita sa summary killings ng giyera sa droga ng pangulo.
Ganito ang banat ni Du30: “Sinasabi ninyo na si Duterte ay isang killer. Kayong mga pari, sinisisi ninyo ako sa pagkamatay ng libu-libong drug addicts. Kahit ang mga namatay sa ospital, ako pa rin ang sinisisi ninyo. Pero, kayo mismo ang nagpapatay kay Kristo.” Medyo nagkakamali yata rito ang ating pangulo dahil ang nagpapatay kay Kristo ay mga Hudyo at hindi mga paring Katoliko!