Para sa Malacañang, ang pagsuko ng mahigit isang milyong sangkot sa droga ang isa sa mga tagumpay ng gobyerno sa unang anim na buwan sa puwesto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Batay sa year-end accomplishment report na inilabas ng Malacañang nitong Biyernes, may kabuuang 1,003,118 adik at tulak ang sumuko sa mga awtoridad simula Hulyo 1 hanggang Disyembre 30, 2016 sa ilalim ng Oplan Tokhang ng pulisya.
Sa kabuuang bilang ng mga sumuko, 92.54 na porsiyento o 928,248 ang adik, habang 7.46% naman o 74,870 ang tulak.
Kabilang sa mga boluntaryong sumuko sa awtoridad ang mga high-value target, kabilang ang mga alkalde, bise alkalde, konsehal, opisyal ng barangay, mga lokal na drug lord at maging mga pulis.
Nakapagsagawa rin ng 40,284 na operasyon kontra droga na nagresulta sa pagkakadakip ng 42,978 tulak at adik sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bukod dito, 2,166 din ang napatay makaraang manlaban sa pag-aresto.
Hindi pa kasama rito ang mahigit 3,000 kaso ng umano’y extrajudicial killings (EJK) na sinasabing kagagawan ng mga vigilante.
Sa pagtatapos ng 2016, may kabuuang P1.266 bilyon halaga ng droga ang nasabat ng Bureau of Customs: P933.304 milyon ang shabu, P314.719 milyon ang cocaine, at P17.046 milyon ang ecstacy.
Dahil sa pagtukoy sa malawak na problema sa droga, nakapagpatayo na rin ng mga drug rehabilitation center sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na isinulong din ni Pangulong Duterte ang independent foreign policy at naging mas malapit sa ASEAN, China, Russia at Japan, sinimulan ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista at Moro, bukod pa sa libre na ngayon ang irigasyon, pagpapaospital, gamot at edukasyon sa mga unibersidad ng gobyerno.
“The President hit the ground running in the first six months and we expect much more will be done in the succeeding months and years. After all, the President’s heart is in the right place, and he has only the interests of the Filipino people and the nation in his mind first and foremost,” sabi ni Andanar. (ELENA L. ABEN)