KITANG-KITA ang labis na kaligayahan sa mukha ni Irma Adlawan nang siya ang tanghalin bilang Best Actress ng 2016 Metro Manila Film Festival.
Mahigpit niyang nakatunggali sina Eugene Domingo at Nora Aunor na naging matunog ang pangalan na mag-uuwi ng nasabing karangalan.
Pinuri ni Irma ang mga bumubuo ng MMFF executive committee at ang jury dahil sa mapangahas nilang hakbang para sa festival ngayong taon.
Aniya, sana ay lumawig pa ang tribo ng mga taong nasa likod ng MMFF ngayon dahil matapang sa pagpapasimula malaking pagbabago sa taunang filmfest.
Inihandog niya ang hawak na tropeo sa tunay na Kapitana (ginampanan niya) na nakipaglaban para sa mga nasasakupan at saka ito tinawag upang umakyat sa entablado.
Pinasalamatan din naman ni Irma ang staff and crew ng pelikulang Oro na nagtuturingang sobra pa sa isang pamilya.
“The Lord above, nothing is impossible, without Him and of course, my Oro family because they are the ones who really helped me out. Ako ‘yung outsider na pumasok at nandu’n na sila bilang pamilya, so ako ‘yung pumasok and they never let me feel that I am an outsider,” sey ng premyadong aktres.
Umaasa si Irma na magtutuluy-tuloy ang pagbabagong sinimulan sa MMFF ngayong taon.
“Ito ang dapat nating ipagpatuloy. Dapat ang susunod nating execom, eh, kasing tapat ng mga executive committee ngayon,” sabi ng aktres.
Deadma naman si Irma sa sinasabing move ng Noranians na huwag panoorin ang pelikula niyang Oro dahil si Nora raw ang orihinal na gaganap sa ginampanan niyang papel.
“’Wag na nating gagawing isyu ‘yun. Basta dapat maging happy na lang tayong lahat,”katwiran pa rin ng aktres.
(Jimi Escala)