GINUGUNITA ng bansa ngayong araw ang ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni Pangulong Manuel A. Roxas. Siya ang ikalimang pangulo ng Pilipinas, ang ikatlo at huling presidente ng Commonwealth, at ang unang pangulo sa Ikatlong Republika nang pasinayaan ito noong Hulyo 4, 1946. Nakasentro ang kanyang pagkapangulo (Mayo 28, 1946 – Abril 15, 1948) sa muling pagpapatayo at pagpapagawa ng mga paaralan, taniman, at mga pabrika, sistema ng transportasyon, daanan, at mga tulay na nasira ng digmaan. Natamo ng kanyang gobyerno ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika noong 1946.

Nakatuon sa industriyalisasyon, itinatag niya ang Rehabilitation Finance Corporation, na nagbibigay ng walang hirap na pagpapautang sa mga Pilipino; tumulong sa pagkakatatag ng Central Bank of the Philippines para matulungang pangasiwaan ang mga reserbang dolyar ng mga Pilipino; at ang National Power Corporation. Isa sa mga katangi-tangi niyang tagumpay ang Treaty of General Relations sa Amerika, na kinikilala ang pagsasarili o kalayaan ng Pilipinas at nagkaloob ng pagtutulungan sa kalakalan para sa panunumbalik ng ekonomiya. Niratipika niya ang Bell Trade Act, na kinabibilangan ng Parity Amendment sa Konstitusyon at nilagdaan ang 1947 Military Bases Agreement. Iprinoklama rin niya ang pangkalahatang amnestiya para sa mga gerilya.

Bilang tagapagtaguyod ng batas, naging delegado si Pangulong Roxas sa kumbensiyon noong 1935 na lumikha sa Konstitusyon ng Pilipinas. Sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hunyo 3, 1946, ipinangako niyang gagawin ang Konstitusyon bilang “ang ‘Ark of the Covenant’ na poprotektahan ko sa anumang paglabag at kawalang-respeto gamit ang bawat kapangyarihan at puwersang taglay ko. Ang constitutional government ang tanging uri ng pamahalaan na maaaring magbigay-proteksiyon sa mga karapatan ng mamamayan maging sa pag-abuso ng mismong gobyerno.”

Isasagawa ang seremonya para gunitain at bigyang-pugay ang kanyang pamana sa kanyang puntod sa Manila North Cemetery; sa kanyang sinilangan sa Roxas City, isang national historical shrine; at sa kanyang higanteng monumento sa liwasan sa Capiz.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isinilang noong 1892 sa Capiz (ngayon ay Roxas City), nag-aral siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas at naging unang Pilipino na nanguna sa bar examination noong 1913. Nagsimula ang kanyang serbisyo publiko bilang konsehal sa Capiz noong 1917, inihalal na gobernador noong 1919, at naging mambabatas sa Mababang Kapulungan mula 1922 hanggang 1934. Siya ang kauna-unahang pinuno ng Kamara de Representantes. Inihalal siyang senador noong Nobyembre 18, 1941 at Senate president noong Hunyo 9, 1945. Nagsilbi rin siya sa Philippine Army bilang aide-de-camp ni General Douglas MacArthur sa ranggong brigadier general. Matapos ang giyera, itinatag ni Roxas ang Liberal Party, na pinangunahan niya ang tagumpay sa pagkapanalo niya bilang pangulo noong Abril 23, 1946.

Maybahay niya si Doña Trinidad de Leon Roxas at mayroon silang dalawang anak, si Ruby at ang dating senador na si Gerry, ang ama ng dating interior secretary na si Mar A. Roxas. Pumanaw si Pangulong Roxas noong Abril 15, 1948 sa Clark Air Base sa Pampanga.