LONDON (Thomson Reuters Foundation) - Sa pagpinid ng taong 2016 na naging dominante ang mga balita ng patayan, kalamidad, at sakit mula sa Middle East hanggang Africa at Latin America, iisiping walang gaanong naging magandang balita sa tumalikod na taon.

Sa kabila ng patuloy na digmaan sa Syria at Yemen, matinding tagtuyot sa Africa at outbreak ng Zika virus sa Latin America, mayroong mga kaganapan nitong 2016 na dapat ipagdiwang.

Narito ang limang magagandang balita na maaaring hindi mo napansin sa nakalipas na 12 buwan:

1. KAPAYAPAAN SA COLOMBIA

Noong Nobyembre, nilagdaan nina Colombian President Juan Manuel Santos at FARC rebel leader Rodrigo Londono ang modified peace deal matapos ibasura sa referendum noong Oktubre ang unang bersiyon, para wakasan ang 52 taong digmaan.

National

Sen. Kiko, nirerespeto desisyon ni Mayor Leni pero pinakamalakas na pambato pa rin sa 2028!

Para sa kanyang pagsisikap na mawakasan ang longest-running conflict sa Latin America, ginawaran si Santos ng 2016 Nobel Peace Prize.

2. CLIMATE ACTION

Opisyal na nagkabisa ang makasaysayang pandaigdigang kasunduan para labanan ang climate change noong Nobyembre 4.

Iniatang nito ang responsibilidad sa halos 200 bansa na simulan ang pagpapatupad ng mga plano para mabawasan ang kani-kanilang greenhouse gas emissions.

Nilalayon ng Paris Agreement, napagkasunduan noong Disyembre 2015, na hikayatin ang mundo na lubayan ang paggamit ng fossil fuels sa ikalawang bahagi ng siglo at limitahan ang pagtaas ng temperatura ng mundo sa “well below” 2.0 degrees Celsius (3.6 Fahrenheit).

3. LABAN SA HUMAN TRAFFICKING

Noong Mayo, pinasinayaan ng minister for women and children ng India ang burador ng unang komprehensibong batas laban sa human trafficking ng bansa, na itatrato ang survivors bilang mga biktima na dapat tulungan at protektahan at hindi bilang mga kriminal.

4. FEMALE GENITAL MUTILATION ITINAKWIL

Mahigit 300 komunidad sa apat na bansa sa West Africa na mayroong pinakamataas na antas ng female genital mutilation (FGM) ang nagdeklarang malaya na sila sa kaugalian sa mga publikong seremonya noong Disyembre.

Apektado ng FGM ang tinatayang 140 milyong kababaihan sa malaking bahagi ng Africa at ilang lugar sa Middle East at Asia, at itinuturing na hudyat na maaari na silang ipakasal at paraan upang mapreserba ang kadalisayan.

Sa naturang ritwal, tinatanggal ang external genitalia na nagdudulot ng maraming problema sa kalusugan na maaaring ikamatay.

5. LGBT RIGHTS INVESTIGATOR

Noong Setyembre, nagtalaga ang UN Human Rights Council ng unang independent investigator upang tumulong sa pagpoprotekta sa gay at transgender sa buong mundo mula sa karahasan at diskriminasyon.

Si Vitit Muntarbhorn, international law professor sa Chulalongkorn University sa Bangkok, ay magsisilbi ng tatlong taon sa pag-iimbestiga sa mga pang-aabuso laban sa lesbian, gay, bisexual, transgender and intersex (LGBTI).